Pag-ingatan ang computers!

HINDI talaga dapat naglalagay o nagtatago ng mga mahahalaga o maseselang dokumento o ano pa sa mga computer. Dahil sa internet, hindi malayo ang malooban, ika nga, ang inyong mga computer, laptop pati telepono. At ganito ang modus operandi ng isang sindikato na sangkot sa “sextortion”. Ang gagawin ay papasukin ang mga computer, hahanap ng mga dokumento, litrato o video na maaaring magamit para ma-blackmail ang tao. Hihingi ng pera para hindi ilabas ang nakuhang dokumento, litrato o video sa internet. Siyempre, kung ayaw mong mailabas ang anumang mga maiitim na sekreto mo, magbabayad ka. Kung may pambayad ka.

Ganito ang nangyari sa isang 17 gulang na bata mula Scotland. May nakuhang mga maseselang litrato sa kanyang computer, at tinakot na kung hindi siya magbabayad ay ilalabas ang mga ito sa internet. Dahil bata at wala namang pambayad, nagpakamatay ang bata. Nalaman ng mga awtoridad na ang mga nasa likod ng kanyang pagpapakamatay ay ilang Pilipino. Dito na nadiskubre na ang sindikato ay may operasyon na rin dito sa Pilipinas. Ilang suspek ang hinuli. Sa mga nahuli, tila tatlo ang responsable sa pagkamatay ng bata sa Scotland.

Habang nagiging hi-tech ang ating mundo at buhay, sumasabay rin ang mga kriminal. Ang problema ng cybercrime at sextortion ay laganap sa buong mundo. Pati Facebook ay nagagamit para makahanap ng mga biktima. Kaya kailangan maging maingat sa ating mga nilalagay sa mga computer at telepono natin.

May mga kaibigan nga ako na tinakpan na ng tape ang camera ng kanilang mga laptop, para hindi na magamit sa masamang intensyon ng mga kriminal. Mga iba, bumabalik sa lumang pamamaraan para magtago ng mga dokumento. Sa papel na nakatago sa mga cabinet, o kaya nakalagay sa mga banko. At hindi ko rin maintindihan kung bakit kailangang may mga sex video ang ibang tao diyan. Kapag nakuha na ng mga kriminal, sira na ang kanilang buhay.

Kung may sindikato na sa Pilipinas, sana masugpo na ito. Hindi ito puwedeng lumaki. Nagiging takbuhan na ang bansa ng mga kriminal. Maging iligal na droga, sextortion, cybersex at iba pa. Dahil ba alam na kayang kontrolin ang mga otoridad? Dahil may mga mabilis masilaw sa pera?

 

Show comments