RH Law: Asahang may haharang pa rin

MAKASAYSAYAN ang pagkatig ng Korte Suprema sa Reproductive Health Law. Nakita dito na hindi na balwarte ng konserbatibong Katolisismo ang gobyerno. Mula ngayon magdadalawang-isip na ang mga politiko bago magsunod-sunuran sa kahit anong iutos ng obispo.

Nauna rito, isinulong ng Ehekutibo, sa kauna-una-hang pagkakataon, ang RH. Ito’y para ituro sa kababaihan ang pag-alaga sa katawan, isulong ang pagiging responsableng magulang, at pondohan ang kalusugan ng mga buntis at sanggol.

Kumatig ang kasalukuyang Kongreso, kaya naisabatas ang RH makalipas ang 19 na taunang pagkabigo. Doon lumaban nang husto ang mga obispo. Kesyo raw abortion na agad ang simpleng contraceptive, pati condom. Kesyo i-e-excommunicate nila ang mga mambabatas na boboto para sa RH. Kesyo mabubulok daw lahat sa impiyerno!

Huling battlefield ang Korte Suprema. Dumulog doon ang mga kontra-RH sa (maling) paniwala na unconstitutional ang batas. Kesyo raw kontra-buhay ito, samantalang para nga iwasan ang pagkamatay ng ina at sanggol sa panganganak.

Hindi pa tapos ang labanan. Babalik ang mga kontra-RH sa Kongreso. Doon haharangin nila ang taunang national budget para sa RH. Sa gayun, masisira nila ang implementasyon ng RH Law.

Kaya kailangang maging masinop ang Department of Health at NGOs na nagsusulong ng kalusugan ng mga ina’t sanggol. Tiyakin nila kung ilan talaga ang manga­ngailangan ng tulong ng gobyerno sa pagpaplano ng pamilya, para mapondohan nang sapat. Dapat ding gali­ngan ng Department of Education ang pagsasanay sa mga guro na magtuturo ng RH sa elementary schools. Tiyakin dapat na walang mananabotahe sa klase.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gotcha.com

 

Show comments