NAKAGAWIAN na talaga na tinataon ang annual na summer trek sa Mt. Apo, ang highest peak ng Pilipinas, tuwing Holy Week.
Kaya tuwing Semana Santa ay puno ang lahat ng trails papunta sa tuktok ng Mt. Apo.
May climbers na dumadaan sa trail via Sta. Cruz at KaÂpatagan sa Digos City, o di kaya ay sa Bansalan sa Davao del Sur. May trail naman na nagsisimula sa Kidapawan, North Cotabato. At meron din dito sa Davao City.
Lahat ng trails na ‘yan ay talagang nagagamit tuwing Semana Santa.
Minsan nga ay maraming climbers din ang inaayawan na dahil nga lampas na sa carrying capacity ng mga nasabing trail. May hangganan din ang carrying capacity ng Mt. Apo. Hindi lahat ay puwedeng umakyat nang sabay-sabay.
Ngunit sana naman, sa pag-akyat nila ng Mt. Apo ay iwasan ang pagtatapon ng kanilang mga basura sa kung saan-saan na lang.
Dapat bitbitin ang kanilang mga basura sa pagbaba.
Sa ngayon ay nakakalungkot isipin na imbes na sariwang hangin ang malalanghap at magandang tanawin ang makikita sa ilang parte ng trail patungo sa tuktok ay bultu-bulto ng basura ang masisilayan.
Hindi na kanais-nais ang pagiging bastos sa kalikasan ng mga umaakyat ng Mt. Apo kung ganung gabundok ng basura ang iniiwan nila.
May malaking responsibilidad din ang mga tinatawag na porters na tumutulong sa pagkarga ng mga gamit ng mga umaakyat.
Naging problema rin ang porters dahil nga sila mismo rin ang nagtatapon ng basura sa kanilang pagnanais na maibsan ang bigat ng kanilang dinadala.
Sana ang mga bagay na ito ukol sa basura sa Mt. Apo ay mabigyang-pansin ngayong Semana Santa.
Dahil ang pagpreserba ng Mt. Apo ay para na ring pagninilay-nilay natin sa ikakabuti ng kalikasan at sambayanan.