‘Nasalisihan o Sumalisi (?)’

KAPAG IPINAGKATIWALA sa iyo ang isang bagay, ipinahiram para magamit sa trabaho, kung mawala o may mangyari rito sino ang dapat managot?            

“Sabi ng boss ko babalik daw kami sa site para mag-inspection. Nagpaikot-ikot kami tapos dinala na nila ako sa presinto,” simula ni Rodel.

Ika anim ng Mayo taong 2013 nang iwanan ng gwardyang si Rodel Tagle, 27 taong gulang, nakatira sa Navotas, ang Armscor Shotgun  sa ‘guard house’ ng Navotas Fish Port.

Tatlong araw pa lamang nagbabantay si Rodel sa nasabing ‘fish port’. Limang taon na siya sa Hi Profile Security Agency.

“Pang gabi po ako doon mula alas kwatro ng hapon hanggang alas-siyete ng umaga,” wika ni Rodel.

Nagkayayaan umano ang ilang mga trabahador dun kasama ang ‘care taker’ ng palaisdaan na si Arnel Araza na mag-inuman.

Hindi niya mapagkatiwalaan ang mga nandoon kaya’t hindi niya iniwan ang baril.

Bandang alas kwatro ng hapon nagbalik si Rodel sa palaisdaan para mag-duty. Lumapit sa kanya si Arnel.

“Ang baril nasaan?” tanong nito sa kanya.

“Iniwan ko sa guard house. Hindi mo ba nakita?” sagot ni Rodel.

Hindi umano nakita ni Arnel doon ang baril. Napag-alaman si Rodel na alas-dos ng hapon na ito dumating dun.

Ang nakita lang daw ni Arnel ay ang logbook at ang apat na live shell.

“Nung una nilagay ko sa record na not found pero nung talagang hindi na namin makita lost firearm na ang inilagay ko,” pahayag ni Rodel.

Nagpunta si Rodel sa agency at pinagawa siya ng report ng Operations Manager na si Peter Ponpon. Nang dumating ang may-ari na si Bert Mequila ay pinatigil siya sa pagsusulat.

“Pupunta na lang daw kami sa fish port para tingnan dun ang shotgun. Baka naitago lang daw,” wika ni Rodel.

Isinama siya ng mga ito sa bangko dahil araw din yun ng sweldo ng mga trabahador. Dinala muna siya sa Pagamutang Bayan ng Malabon at pagkatapos idiniretso sa Malabon Police Station.

Agad nang ikinulong si Rodel. Kasong ‘Theft’ ang reklamo sa kanya ni Ponpon ngunit napalabas din siya dahil nang manghingi ang pulis ng dokumento ng baril ay walang maipakita ang mga ito.

Ayon sa reklamo ni Ponpon may nakakita umano kay Rodel na bitbit ang nasabing shotgun.

Sa salaysay ng testigong si Vincent Francisco na drayber ng kumpanya, nasa likod siya ng sasakyan nang mapansin niyang lumabas ng opisina si Rodel.

“May nakabalot na shotgun sa kanyang uniporme. Kaya ko naman nasigurong shotgun yun ay dahil nakita ko ang puluhan nito. Pagkatapos ay sumakay si Rodel ng tricycle papuntang C4.” Hindi niya umano ito pinansin dahil gwardiya nila si Rodel. Nalaman niya lang na nawawala ang shotgun nang maghanap na si Ponpon at sinabi niya ang kanyang nasaksihan.

“Paano naman ako makikita ng drayber wala naman siya sa lugar na yun nung panahong nawala ang shotgun?” tanong ni Rodel.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nawalan ng baril itong si Rodel. Nangyari ito sa parehong ahensya rin.

 â€œIdiniin ako nung isang kasamahan ko. Kalibre .38 naman yung baril,” kwento ni Rodel.

Nung panahong yun nagpalitan na umano sila ng kanyang karelyebo. Nai-turn over niya na ang baril dito at agad na siyang dumeretso. Pang gabi din umano siya nung mga oras na yun.

Bandang alas dos ng hapon tumawag sa kanya ang kanyang karelyebo. “Pare yung baril nawawala,” sabi nito.

“Off duty na ako. Kasarapan ng tulog ko ginigising mo ako. Kung isa o dalawang oras ang lumipas pwede mo pa akong habulin kaso ilang oras na ang nagdaan,” sabi ni Rodel.

Nakita din umano ng kanilang opisina na pinirmahan ng kanyang karelyebo ang log book ngunit ayon sa mga ito wala raw silang proper turn over.

“Pinabayaran nila ang nawalang baril. Pitong libo kaagad ang kinaltas sa sahod ko,” ayon kay Rodel.

Ang kaganapang ito ang naging dahilan kung bakit nailipat sa fish port si Rodel.

Matapos timbangin ang kanilang mga testimonya, ika-28 ng Agosto 2013 lumabas ang Resolusyon ng kaso. Ayon dito malinaw sa mga ebidensiyang isinumite ng mga nagreklamo na ang shotgun ay hindi in-issue sa nirereklamo. Malinaw din na hindi napabulaanan ng akusado ang testimonya ng testigong nakakita sa kanya. Mas binigyang pansin ni Rodel ang ‘inconsistencies’ sa testimonya nito sa halip na magpresinta ng mga dokumentong magpapatunay na siya’y inosente. Hindi naman nababawasan ng timbang ang salaysay ng testigo dahil dito. Nakitaan ng ‘probable cause’ kaya’t dapat sampahan ng kasong ‘Qualified Theft’ si Rodel. Pirmado ito ni Asst. City Prosecutor Deborah Marie O. Tan at inaprubahan ng Officer In Charge Deputy City Prosecutor Magno Pablo Jr.

“Pebrero 2014 nalaman na lang namin na may warrant ako. Inasikaso ng mama ko. Nag motion to reduce bail kami,” ayon kay Rodel.

Mula sa Php40,000.00 ay bumaba ito sa sampung libong piso.

Nais malaman ni Rodel kung ano ang maaari niyang gawin para mapawalang bisa ang pambibintang umano sa kanya. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Rodel.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES ang bawat gwardiya bago ka tanggapin sa serbisyo, kailangan may lisensiya ka galing sa Supervisory Office for Security and Investigation Agency (SOSIA). Dun sumasailalim kayo sa target shooting at Neuro-Psychological Test upang malaman kung kayo’y karapat-dapat na pagkatiwalaang gumamit ng baril.

SA SIMULA pa lamang dapat sana’y nakipag-ayos ka na sa agency na iyong pinaglilingkuran. Kargo mo talaga kung tutuusin ang ‘shotgun’ na iyon.

Mismong sa Firearms and Explosives Division ng PNP kapag ika’y nakawala sa sarili mo ng baril, meron kang pananagutan at karampatang multa.

Umaabot din sa libo ang multa dahil inaakalang ikaw ay pabaya ng mawala ang iyong baril. Hindi kaya tinuluyan ka na ng agency mo dahil pangalawang beses na nangyari sa iyo ito at sa bwisit mas gusto na nilang ipakulong ka para maging leksyon sa iba pa nilang mga miyembrong gwardya?

Ikaw ba ay nasalisihan o ikaw mismo ang sumalisi?

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

Show comments