IISA lamang ang solusyon sa problemang idinudulot ng mga kidnaper na Abu Sayyaf – ang ubusin sila at walang ititira. Kung hindi sila uubusin, maaari uli silang magbuo ng panibagong grupo at walang katapusan ang problema. Malaking problema hindi lamang sa indusriya ng turismo kundi maging sa seguridad ang idinudulot ng mga kidnaper. Marami ang matatakot magtungo sa bansa dahil matatakot na makidnap. Kaysa makidnap sila rito, sa ibang bansa na lamang tutungo na ang kaligtasan ay nakasisiguro. Babagsaka ang turismo kapag hindi pa pinagsikapan ng pamahalaan na maubos ang mga kidnaper. Ang nakakahiya pa, dumarayo pa sa ibang bansa ang mga kidnaper at pagkaraang maisagawa ang pagdukot ay saka dadalhin sa bansa ang biktima. Nagkakaroon tuloy nang masamang impresyon na ang Pilipinas ay lugar ng mga kidnaper.
Noong nakaraang Miyerkules, dakong 10:30 ng gabi sumalakay na naman ang Sayyaf sa isang diving resort sa Sabah, Malaysia at dinukot ang isang Pinay na receptionist at isang Chinese tourist. Umano’y anim na Sayyaf na armado ng mga baril at nakasakay sa bangka ang sumalakay sa Sengamata Reef Resort, sa Semporma, Sabah. Mabilis umanong tumakas ang grupo at nagtungo sa Tawi-Tawi. Ayon naman sa iba pang report, sa Sulu patungo ang mga Sayyaf tangay ang dalawang kinidnap. Ang resort umano ay paboritong puntahan ng mga Chinese.
Habang sinusulat ang editorial na ito, wala pang balita kung nasaan ang mga kidnaper at biktima at kung magkano ang hinihinging ransom.
Sanay na sa pangingidnap ang Sayyaf para kumita nang limpak na pera. Pera lamang ang kanilang hangad. Nagkamal na nang maraming pera ang Sayyaf dahil sa dami ng kinidnap. Sila ang kumidnap sa mga turistang nagbabakasyon sa Dos Palmas Resort sa Palawan noong 2001. Kasama sa kinidnap ang mag-asawang Martin at Gracia Burnham.
Marami pang isinagawang pangingidnap ang Sayyaf at nagkamal pang lalo ng pera mula sa ransom. Ang nakapanghihilakbot kapag hindi naibigay ang ransom money, pinapatay nila ang kinidnap. Isa sa mga pinatay na turista ang Amerikanong si Guillermo Sobero.
Ngayo’y nakapambiktima na naman ang mga kidnaper. Panibagong problema na naman. Dapat nang pagbuhusan ng atensiyon ang Sayyaf at pulbusin na! Ito lamang ang solusyon sa mga walang kaluluwang grupo.