TAMA ang paalala ni President Noynoy Aquino sa mga bagong graduate ng Philippine NaÂtional Police Academy (PNPA) noong Lunes na maging matapat sa tungkulin, matuwid sa pamamahala at huwag mangongotong. Deretsahan ang pagsasabi ng Presidente sa mga bagong magpupulis na huwag gumawa ng katiwalian. Ang paggawa ng katiwalian ang nagsisilbing kalawang sa PNP. Isabuhay aniya ang mga natutuhan sa apat na taong pag-aaral sa akademya.
Mabuti at habang maaga ay pinaalala na ng Presidente sa mga magpupulis ang maging maÂtapat sa tungkulin. Sa ganitong paalala maaaring maakay sila at maging huwaran sa mga susunod pang henerasyon ng mga pulis. Kapag nagawa ng mga bagong pulis na maituwid ang landas, hahangaan sila ng taumbayan at muling makakabangon sa masamang imahe. Muling magpupugay sa kanila ang mamamayan.
Bagsak ang imahe ng PNP. Kahit na gumagawa ng hakbang ang mga naging hepe ng PNP at maging ang kasalukuyan, marami pa rin ang gumagawa ng kabuktutan at kabilang nga ang pangongotong na binanggit ni President Aquino. Halimbawa na lang ay nang kotongan ng isang SPO4 ang isang motorista na nagkataong anak pala ni General Leonardo Espina noong 2011. Nakikipag-usap sa phone ang anak na lalaki ni Espina habang nasa sasakyan. Nilapitan ni SPO4 at sinabihang nakikipag-sex on phone daw. InarestoÂ. Kokotongan na ang anak ng general pero nakatawag ito sa ama at sinumbong. Sinibak si SPO4 dahil sa pangongotong.
Hindi lamang sa pangongotong nauugnay ang ilang pulis. Sangkot din sa pag-torture sa suspect, pangsa-salvage at pagtatanim ng kung anu-anong ebidensiya para magkapera. May mga protector din ng pasugalan, prostitution den at drug syndicate.
Sana, tumatak sa mga bagong magpupulis ang mga sinabi ng Presidente. Hindi sana sila maligaw ng landas. Hindi sana sila maging “future kotong cops’’.