IISA lang ang solusyon sa kalbaryong dinaranas ng mga sumasakay sa Metro Rail Transit (MRT). Ito ay ang pagdadagdag nang maraming tren! Hangga’t hindi dinadagdagan ang tren, hindi matatapos ang kalbaryo nang humigit-kumulang ay 560,000 commuters na araw-araw ay nagtitiis pumila at makipag-unahan sa pagsakay sa tren. Karaniwang tanawin na lamang sa North EDSA at Quezon Avenue Stations ang mahabang pila araw-araw. Inaabot ng ilang kilometro ang haba ng pila at maraming nagtitiis sa gitna ng sikat ng araw.
Paborito pa rin ng nakararami ang MRT dahil mabilis at nasa oras ang pagdating sa patutunguhan. Hindi katulad ng bus na tigil nang tigil dahil sa pagdampot ng pasahero at natatrapik pang madalas. Inaabot ng dalawang oras ang biyahe sa bus mula Monumento hanggang Taft Avenue via EDSA samantalang 20 hanggang 25 minutes lamang sa MRT.
Dahil sa kalbaryong dinaranas ng mga pasahero sa MRT, maraming paraan na ang sinubukan ng pamunuan ng MRT. Isa rito ay ang pagpapahaba ng oras ng biyahe ng MRT. Inagahan ang pagbiyahe ng mga tren. Ginawang 4:00 a.m. ang biyahe sa halip na 5:00 a.m. Subalit kahit na inagahan, hindi pa rin nasolusyunan ang mahabang pila. Mas lalo pa raw humaba ang pila sa mga station. Pinaka-matindi ang pila sa North EDSA station at Quezon Avenue station.
Inamin mismo ni MRT general manager Al Vitangcol na humaba pa ang pila ng mga pasahero kahit na ini-extend pa ang oras at inagahan ang biyahe. Ayon pa kay Vitangcol, hindi na kayang isakay ng mga tren ang daang libong pasahero araw-araw. Mas marami raw sumasakay sa MRT kaysa mga bus dahil sa trapik na nararanasan sa EDSA.
Dagdagan ang tren para wala nang kalbaryo ang mga commuters. Nakita na ang pangangailangan kaya hindi na dapat pang pagtagalin ang problema. Noong nakaraang taon pa, nagkakaroon ng aberya ang mga tren kaya dapat nang palitan ang mga ito nang bago. Dapat isipin ng pamunuan ng MRT na hindi kumukonti kundi dumarami ang mga pasahero kaya maraming tren ang kailangan.