ANG Pilipinas ay binubuo ng higit 7,000 isla. Napapaligiran tayo ng ilang malalaking dagat, ang Pacific Ocean sa silangan at ang West Philippine Sea sa kanluran. Kaya iisipin mo na tayo ay isang bayan na sanay mamuhay mula sa dagat, at siyempre, marunong lumangoy. Pero nagulat ako sa datos na ibinigay sa amin ng DOH. Ayon sa kanila, walong Pilipino ang namamatay araw-araw dahil nalulunod. Hindi ako makapaniwala na para sa isang bansang pinapaligiran ng tubig, may mga hindi pa rin marunong lumangoy, may nalulunod pa rin.
Sa Rated K, ipinakita namin ang mga video mula sa YouTube ng mga sanggol na pinababayaan lamang sa swimming pool lumangoy at lumutang mag-isa. Mga sanggol pa lang ito na may edad ng tatlong buwan pataas. Tila ilalaglag sila sa swimming pool, at kusa silang lumalangoy o di kaya ay lulutang nang pahiga pero nakalabas ang ulo sa tubig. Hindi sila natatakot, hindi sila natataranta. Parang napaka-normal para sa kanila ang lumutang at lumangoy.
Ayon sa mga dalubhasa, ito ay dahil may dive at swim reflex ang mga sanggol. Kapag nakalubog sa tubig, tila automatic na hindi sila hihinga at gagawa ng paraan para makalutang at lumangoy. Baka may kinalaman din na lahat tayo ay lumaki na nakalubog sa tubig habang nasa loob pa ng ating mga ina. Kaya hindi bago ang malubog sa tubig. Wala ring takot ang mga bata, dahil siyam na buwan nga naman silang nakalubog. Tila nagkakaroon na lamang ng takot habang lumalaki na at nawawala na ang mga nabanggit na reflex.
Dahil sa impormasyon na ibinigay ng DOH sa amin, mahalaga na ang bawat Pilipino ay marunong lumangoy. Kung napapaligiran nga tayo ng dagat, walang dahilan na tayo ay matakot sa tubig. Kung may pagkakataong mag-aral at magsanay lumangoy habang bata pa, gawin ito. Bahagi ng PE program ng ilang paaralan ang swimming. Baka ito ang liligtas sa iyo, o sa isang mahal sa buhay pagnagkataon. Noong tumama ang Ondoy sa Metro Manila, ang mga nakaligtas mula sa delubyo ay ang mga marunong lumangoy.