OO, sapagkat ang paninigarilyo ang pinakamasamang bisyo. Sana ay maitigil mo na ito. Heto ang aking mga dahilan:
1.Masama sa iyong puso at utak. Nagdudulot ang sigarilyo ng altapresyon, atake sa puso at istrok. Ang usok ng sigarilyo ay sumisira sa dingding ng ating mga ugat at nagpapakipot nito.
2.Masama sa baga at puwedeng magka-emphysema. Dahil sa usok ng sigarilyo, umiitim at naninigas ang iyong baga. Sa katagalan ay hindi na ito makapagdadala ng hangin o oxygen sa iyong katawan. Hahabulin mo ang iyong hininga at sa katagalan ay baka mangailangan ng oxygen tank para lang mabuhay.
3.Masisira ang iyong sex life. Ang sigarilyo ay puwedeng magpakipot sa ugat ng ari ng lalaki. Kapag napigilan ang pagdaloy ng dugo sa iyong pagkalalaki, lalambot na ito at mahihirapan ka nang makipag-sex.
4.Masama sa buong katawan. Ang mga ugat mo sa utak, baga, bato (kidney) at pati ang puso mismo ay madadamay.
5.Kukulubot ang iyong mukha. Ang mga naninigarilyo ay mas nagkaka-wrinkles sa mukha kumpara sa taong hindi naninigarilyo. Ang paligid ng iyong bibig ay madali ding kumulubot.
6.Nakaka-addict ang sigarilyo. Ang sigarilyo ay may taglay na nikotina na nakawiwili sa gumagamit nito. Ang nikotina ay isang kemikal na may nakakaengganyong epekto sa ating utak. Maihahalintulad nga ang sigarilyo sa mga pinagbabawal na gamot.
7.Puwede magka-kanser sa baga, bibig, bituka at iba pang organo. May taong nagkaka-kanser sa edad 50 lang dahil sa masamang bisyong ito. Kapag umabot na sa kanser ay mahirap nang maagapan ito.
8.Mababawasan ng 6 na taon ang iyong buhay. Ayon sa isang malaking pag-aaral, mas maagang namamatay ang mga naninigarilyo kumpara sa hindi.
9.Mababawasan ng 1 taon ang buhay ng kasama mo sa bahay. Ang paghinga ng usok ng ibang tao (passive smoking) ay nakasasama din sa ating kalugusan. Ayon sa pagsusuri, kapag nanatili ka ng isang oras sa lugar kung saan may naninigarilyo, para ka na ring humithit ng 3 stick ng sigarilyo. Madali ding hikain at sipunin ang mga bata. Kawawa naman sila!
10.Marami pang masamang maidudulot ang paninigarilyo katulad ng pagkabaho ng hininga, paninilaw ang iyong ngipin, pagkakaroon ng ulcer at iba pa. Kaibigan, kung gusto mong humaba ang iyong buhay, itigil na ang paninigarilyo. Payo po ng isang nagmamalasakit!