Pork scam umiinit uli

SA paglutang ng bagong testigo sa P10 bilyon pork barrel scam na si Ruby Tuason na nagdidiin partikular sa pagkakasangkot nina Sen. Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada sa anomalya, nag-uuminit na naman ang isyu.

Kay dami nang naglalagablab na pangyayari na dumating upang matabunan ang kasong ito kasama na ang malagim na ang super-lindol sa Bohol at ang delubyo sa Tacloban bago matapos ang taong 2013. Palibhasa’y libo-libo ang mga namatay sa trahedya bukod pa sa bilyones na halaga ng ari-ariang napinsala, nawala ang atensyon ng bayan sa usaping ito.

Ngayon nagsisimula na namang umalab ito. Salamat na lang dahil interes ng sambayanan ang nakataya rito. Ang bagong testigo ay sinasabing kasangkot mismo sa kaso na nagkamal ng sandamakmak na milyones bilang tagahatid ng kuwarta sa mga senador na isinasangkot. Nakonsensya raw kaya lumutang para sabihin ang “katotohanan.”

Nangako si Ms. Tuason na isasauli sa pamahalaan ang bahagi ng kanyang kinita sa anomalya na sa tingin ko’y naglalayong bigyan ng bigat ang kanyang kredibilidad bilang testigo. Ngunit kinukuwestyon ni Jinggoy ang kredibilidad ni Tuason na aniya’y gagamitin ng administrasyon para itaob ang mga kalaban sa politika.

Sa panig ng administrasyon, naniniwala ito na lalung madidiin sina Enrile at Estrada sa kasong plunder na isinampa laban sa kanila. Para naman kay Estrada, walang kredibilidad na testigo si Tuason.

Ano man ang sabihin ng alin mang panig ay self-serving para sa kani-kanilang interes. Para kay Estrada, ito ay estratehiya ng administrasyon para  wasakin ang pagkatao ng mga makakatunggali nila sa eleksyon sa 2016.

Sa ganang akin, ipaubaya na natin sa Diyos ang lahat. Naniniwala ako na ang sino mang nagsisinungaling sa usaping ito ay mabibisto sa takdang panahon.

Huwag na lang munang magsalita ang sino mang panig hinggil sa merito ng usapin at alam kong puputok at puputok ang katotohanan sa kaduluduluhan.

 

           

 

Show comments