Pagdadala kay Hesus sa templo

ANG kapistahang ito ay tinatawag ding Araw ng mga namamanata sa Diyos. Ito ang ika-40 araw makalipas ipagdiwang ang Pagsilang ni Hesus. Ito ang araw ng pagdadala kay Hesus sa templo ng Jerusalem, ang hayagang pagtupad sa utos ng Diyos na itinadhana ni Moises sa tulong ng Espiritu Santo.

Pinasimulan ito ng Eastern Church (Greek at Hebrew) noong sixth century. Unang lumaganap sa France ang pagsisindi at prusisyon ng mga kandila na tinatawag na “Candlemas” o “Light to enlighten the Gentiles”. Ipinagdiriwang natin ang dalawang mahalagang pangyayari: Ang paglilinis kay Maria matapos manganak at ang paghahandog kay Hesus sa templo.

Ngayon din ang katuparan sa aklat ni Propeta Malakias: “Ang Panginoon na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo.” Siya ang Sugo na ipinahayag sa Kanyang Tipan. “Diyos na makapangyariha’y dakilang hari kailanman”. Ito rin ang ipinahayag sa Hebreo na Siya ang Anak ng Diyos na naging tao, may laman at dugo. Siya ang “Dakilang Saserdote, mahabagin at tapat, naglilingkod sa Diyos at naghahandog ng hain sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng tao.”

Noong panahong iyon ay naroon din sina Propeta Simeon at Propetisa Ana, anak ni Fanuel na naghihintay din sa katubusan ng Israel. Sa biyaya ng Espiritu Santo ay kinalong ni Simeon ang sanggol na si Hesus: “Ngayo’y papanawin mo sa kapayapaan, Panginoon, ang iyong alipin, ayon sa iyong salita, sapagkat nakita ng aking mga mata ang iyong kaligtasan, na itinalaga mo sa  lahat ng bansa: Isang liwanag ng pahayag sa mga Hentil at sa iyong bayang Israel.”

Ang bebendisyunang mga kandila ay simbolo na si Hesus ang nagbibigay sa atin ng liwanag na mag-uugnay sa atin sa Kanya, sa Ama at Espiritu Santo mula sa ating pagsilang sa binyag. Ito rin ang liwanag sa ating paghahanda sa pagtawag ng Panginoon sa huling sandali ng ating buhay.

Ang pagbebendisyon ng mga kandila ay ang ating pagpaparangal kay Hesus kaugnay ng puripikasyon at presentasyon sapagkat Siya si Kristong liwanag!

Malakias 3:1-4, Salmo 23, Hebreo 2:14-18 at Lukas 2:23-40

Show comments