Paano kung patay na ang kabayo?

KAPAG death penalty ang isyu, hindi maiiwasan na maging emosyonal ang debate dahil hating hati ang paniwala ng tao. Tulad din ng kasalukuyang Vhong Navarro vs. Cedric Lee at Deniece Cornejo, mahihirapan kang makahanap ng middle ground upang magkasundo ang magkabilang panig.

Tuwing lumalala ang peace and order situation sa lipunan at makakabalita ng sunod-sunod na insidente ng karahasan, agad may magsasalitang ibalik ang parusang kamatayan. Dahil paniwala rin ito ng hindi iilang mamamayan, marami sa ating kinatawan na Kongresista o Senador o iba pang halal na opisyal ang madaling tumindig at magpanukala. Sa ngayon, sina Senador Tito Sotto, Pres. Erap Estrada at iba pang congressman ang nangunguna sa kampanya. Siyempre nandiyan din ang mga kontra sa katauhan nina Sec. De Lima at iba pa.

Ang problema sa argumento ng pro-death penalty ay wala naman talagang scientific na pag-aaral na magpapakatotoo na mayroon itong deterrent effect o na matatakot ang kriminal na ipagpatuloy ang hangarin kung alam nilang maari nilang ikamatay kapag mahuli. Noong mga unang panahon, pati magnanakaw ay binibitay. Sa pagkakataon ng pagbitay ay biglang tumataas pa ang insidente ng pagnanakaw habang ito’y isinasagawa mismo sa harap ng taumbayan. Ebidensya ito na wala talagang deterrent effect ang death penalty.

Tama ang mga kontra na hanggang sa ngayon ay marami pa ring depekto ang sistema ng criminal justice. Paano kung mapatunayang may mali sa proseso pero naipatupad na ang parusa? Dahil ito’y bitay ay wala nang remedyo upang ito’y mawasto. Patay na talaga ang kabayo. Ang mas epektibong panakot sa mga may maitim na balak ay ang kasiguruhan ng parusa kapag sila’y mahuli. Kaya ang dapat talagang seryosohin ay ang prosekusyon at conviction ng mga akusado at ang paglaban sa hindi makatarungang pagpapatagal sa litigasyon.

 

Ang Pilipinas ay signatory din sa mga Tratado tungkol sa human rights kung saan lumagda tayong hindi ipapatupad ang death penalty. Sa mga kadahilanang ito ay walang magandang dahilan sa ngayon na ibalik muli ang parusa sa ating mga batas.

Show comments