Ngayo’y nakabilad sa init at ulan
Ang mga evacuees ng Kabisayaan;
Nagpakitang gilas ang pamahalaan
Subalit pumalpak sa biyayang bunkhouse!
Ang mga bunkhouse na doo’y ginawa
Ang mga evacuees lalo pang kawawa
Kasi’y natuklasang nayari’y kaiba
Parang niloko lang mga napinsala!
Ang inaasahang dapat malipatan
Ay sapat ang laki sa pamilyang siyam;
Pero nang mayari walang kabuluhan
Sa aso at pusa ito’y bagay lamang!
Kaya tumpak lamang banta ni Sir Lacson
Sinumang may sala sa naging transaks’yon;
Kakampi at hindi ng administrasyon –
Sisipain niya sa tungkulin ngayon!
Bakit nga masama naging kayarian
Nitong bunkhouses sa naturang lugar?
Kung ito’y maayos walang pagkukulang
Masayang titira ang walang tahanan!
Ngayo’y nahalata mga anomalya
Sa panig na iyon nitong ating bansa;
Pero kampante rin sa posisyon nila
Ang mga opisyal na nagkakapera!
Kaya bakit kaya sa rehimeng P-Noy
Ang mga kagawad ng administrasyon
Hindi sinisipa sa mga posisyon
Kahit mali-mali at pera ang habol?