Mexican drug cartel

PINANGANGAMBAHANG nakapasok na sa bansa ang Mexican Sinaloa drug cartel. Ito ang isa sa pinaka-notoryus na drug trafficking syndicate sa mundo. Pinaka-makapangyarihang sindikatong nagpapakalat ng ilegal na droga sa Mexico.

Maraming alagad ng batas ang nagsasalita ngayon hing­gil dito. Kanya-kanya silang reaksyon at teorya. Ang ibang pulitiko, ginagamit ang isyu para mapansin ng media at publiko. Mainit lang kapag simula pero wala naman talagang intensyong tumutok at pagtuunan ng pansin ang droga.

Sinabi ni Justice Secretary Leila De Lima, nakapasok na sa Pilipinas ang mga dayuhang may mabibigat na kaso na hininalang kasapakat ng Mexican drug syndicate. Ngayon lang tumitingin ang pamahalaan sa proble­mang ito. Dati, hindi nila ito pinapansin. Nasanay na sila na kapag nandyan na ang problema, saka lang kikilos.

Isa sa mga rason kung bakit madaling nakakalusot ang mga kriminal at mga taong may derogatory status sa iba’t ibang bansa, ay ang kasalatan sa makabagong teknolohiya ng Bureau of Immigration na tukuyin ang mga pumapasok sa bansa.

Anunsyo sila nang anunsyo, hanggang ngayon, wala pa rin silang data base, walang biometric at walang matibay na koordinasyon sa mga dayuhang awtoridad sa pagkaka-kilanlan ng bawat papasok sa bansa. Sa US, Canada at sa iba pang mga malalaking bansa, mayroon silang tinatawag na information sharing at cross-intelligence. Dito, nalalaman na agad ng mga awtoridad ng bawat bansa kung sino ang mga criminal at kuwestyunable ang pagkatao.

Habang kasagsagan ng isyu, sinabi ng Palasyo na na­kaalerto ang pamahalaan sa posibilidad ng narco-politics. Ang mga serye ng operasyon ng pulis at mga anti-nar­cotic agent ang patunay na seryoso ang gobyerno sa pa­kikipaglaban sa droga.

Hangga’t walang seryosong pondong inilalaan ang pamahalaan sa mga ahensya na lumalaban sa mga drug cartel, walang mga makabagong teknolohiya at kagamitan ang mga alagad ng batas at walang matibay na pakiki-pag-ugnayan sa international law enforcement agencies, patuloy na maglalaro ang mga sindikato sa Pilipinas.

Show comments