Don’t gate me wrong

NABUHAY ang debate tungkol sa “gated communities” dahil sa enkwentro ni Makati Mayor Junjun Binay sa mga security guards ng Dasmarinas Village sa Makati. Sa mga progresibong bansa sa mundo, hindi matapus-tapos ang isyu kung nakabubuti ba ang gated communities sa kabuuan ng komunidad. Siyempre, hindi rin nawawala ang mga kuwestiyon sa hurisdiksyon ng local governments sa loob ng subdivisions at sa legalidad ng mga limitasyong pinapatupad ng mga patakaran ng homeowners.

Pangunahing mitsa sa pagtatag ng gated communities ay ang seguridad ng mga residente laban sa kriminalidad sa labas. Fear. Ang ibang village ay nagtatatag pa ng neighborhood watch o nagbibigay ng mas mahigpit na instruction sa private security forces tungkol sa peace and order. Siyempre, hindi rin ito garantiya ng absolute protection dahil maari ring manggaling sa mismong mga residente ang peligro. Nangyari na ito sa Dasmariñas Village noong 1991 nang mabaril at mapatay sina Maureen Hultman at Ronald Chapman ng isa ring residente, si Claudio Teehankee Jr.

Itong pagka-exclusive ang siya ring pinupuntirya ng mga kritiko. Para bang isinakripisyo ang “overall sense of community”, nawawala ng partisipasyon ng mga residente sa mga activities ng komunidad, sobra ang paghihigpit ng mga pribadong guwardiya at may duda sa limitasyon sa mga karapatang pantao. Sa Amerika, sa ilang lungsod ay pinagbabawal ang ganitong mga subdivision dahil masyado itong divisive at parang  ginagawang legal ang diskriminasyon laban sa mahirap. Ito nga ang sinisi sa pagkapatay sa isang teenager, si Trayvon Martin, sa Florida habang bumibisita lang. Dahil outsider siya, agad itong pinaghinalaan na may masamang intensyon kaya binaril ng neighborhood watch. Ginagawang praning ang mga residente.

Noong Disyembre, ipinasa sa Quezon City Council ang ordinansang nagbabawal ng speeding sa mga street sa loob ng subdivisions. Pagkilala ito na hindi nawawala ang hurisdiksyon ng pamahalaang lokal sa mga public places tulad ng mga kalye sa loob ng villages kahit pa anong ipilit nitong pagsarili. May mga argumento rin batay sa privacy at property rights ang mga exclusive villages. Napapanahon nang bigyang masusing pag-aaral ang isyu upang mas malinawan ang lahat sa kani-kanilang karapatan at nang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan. Kung naka-gate nga ang subdivision, huwag nating i-gate ang ating kaisipan.

 

Show comments