PNP hilo talaga sa priorities

HINDI masisisi ang madla sa pagsuspetsa ng isa na namang raket sa Philippine National Police. Magha-hire kasi ang PNP ng private security agency para bantayan ang gates at offices sa Camp Crame headquarters. Open secret naman na merong pulis sa likod ng bawat security agency. Kaya ang tanong kaagad ay kung sino na namang opisyal ang kikita sa P21 milyong taunang ibabayad sa kung ano’ng ma-hire na kumpanya.

Ani PNP chief Alan Purisima, mas mapapakinabangan sa street visibility ang 100 police-guards mula sa Headquarters Support Group. Makakatipid pa, aniya, dahil P18,000 ang pinaka-mababang buwanang suweldo ng bawat isa, o P21,600,000 kada taon kung lahat ay Police Officer-1 lang.

Nakakapagtaka na ang pinagtutuunan ng PNP Director General ng pansin ay ang munting headquarters group. Kung pag-ibayuhin niya ang trabaho ng lahat ng 150,000 PNP personnel, tataas hindi lang ang street visi­bility, kundi pati crime prevention at solution rates.

Pero ang problema ay duling sa priorities ang PNP. Halimbawa, napapalimit ang patayan sa pamamagitan ng assassins na riding in tandem sa motorcycles. Ibini-bintang ito sa 400,000 naglipanang loose firearms. Ang naging solusyon ni Purisima, higpitan at mahalan ang paglisensiya at pag-renew ng armas. Ang epekto: Ayaw nang magpalisensiya ng mga bago at dating de-baril, kaya lumala ang problema.

Hindi ba dapat ang solusyon sa patayan ay magtala ng statistics kung saan ito madalas, i-profile kung taga-saan ang malimit na suspects, tugisin ang mga salarin, mag-checkpoint ng mga motorsiklong may angkas, at seryosong habulin ang loose firearms?

Magagawa ito kung malinaw ang priorities ng PNP.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

 

Show comments