ANG climate change ay ang pagbabago ng panahon o klima. Umiinit ang mundo dahil sa pagtaas ng carbon dioxide at iba pang greenhouse gases. Dahil sa pabago-bago ang ating klima, puwede itong magdulot ng pagbaha, tagtuyot at mga sakit.
Ayon sa pag-aaral, dalawa ang dahilan ng climate change. Una ay ang natural na pagbabago ng klima dahil sa init ng araw, pag-ikot ng mundo, at sa init na nagmumula sa ilalim ng lupa. Pangalawa, malaki ang epekto ng gawain ng tao sa pagbuga ng polusyon galing sa sasakyan at mga factories. Ang pagputol ng mga puno ay nakadadagdag din sa pag-init ng panahon.
Ano ang mga sakit na dala ng climate change?
1. Dadami ang mga sakit tulad ng tigdas, leptospirosis (dulot ng pagbaha) at cholera.
2. Dadami din ang sakit na dala ng insekto tulad ng lamok (dengue at malaria).
3. Mga sakit dahil sa polusyon tulad ng allergy at hika.
4. Malnutrisyon at epekto sa lipunan dulot ng pagkasira ng kabuhayan at ng komunidad.
5. Marami ang puwedeng magkasakit sa puso at ma-istrok dahil sa init ng panahon at stress.
Paano lalabanan ang mga sakit?
1. Iwasan ang pagbilad sa matinding init ng araw.
2. Ugaliing uminom ng 8 basong tubig araw-araw.
3. Maligo araw-araw para maalis ang init sa katawan.
4. Iwas tigdas. Pabakunahan ang mga bata laban sa tigdas.
5. Iwas dengue. Tanggalin ang tubig sa mga flower vase, gulong na maaaring pamugaran ng kiti-kiti.
6. Iwas leptospirosis. Iwasan ang paglusong sa baha.
7. Magbigay ng dagdag impormasyon sa komunidad laban sa mga sakit na ito.
8. Mag-organisa ng boluntaryong grupo na magtatala ng mga kaso ng dengue, tigdas, leptospirosis at cholera sa barangay.
Climate Change Act:
May batas na tayo laban sa climate change. Ito ay ang RA 9729, ang Climate Change Act of 2009. Ang lokal na pamahalaan ang pangunahing ahensya na magsasagawa ng Climate Change Action Plan sa kanilang nasasakupang lugar.
Makipagtutulungan sa inyong probinsya at sa DOH para sa pagpapatupad ng Action Plan. Magtanim ng puno, linisin ang estero at maging maalam sa sakit na dala ng climate change.