HINDI lang siguro nasusuring mabuti pero kung ikukonsidera ang Philippine Clean Air Act of 1999, paglabag sa batas ang pagpapaputok ng rebentador o pagsisindi ng mga lusis.
Tuwing natatapos ang bagong taon at maraming namamatay, napuputulan o nabubulag dahil sa mga paputok, umiigting ang mga panawagang ipagbawal na ang mga rebentador at iba pang pyrotechnic.
Pero hindi nagtatagal ay nakalilimutan na. Tulad din ng rebentador na pagkatapos ng malakas na putok ay…wala na! Pagdating muli ng bagong taon ay ganun pa rin ang situwasyon: Dami pa ring casualties.
Katulad ngayon, halos umabot sa isanlibo ang biktima ng mga paputok kasama na yung mga tinamaan ng ligaw na bala. Nahigitan pa raw ng bilang na ito ang mga naging biktima noong isang taon.
Totoong may mga taong umaasa sa industriya. Ngunit kung ikukonsidera ang bilang ng mga napapahamak na tao pati na ang polusyon ng hangin, palagay ko dapat na talagang ipagbawal ang rebentador.
Sapul nang mapagtibay ang Philippine Clean Air Act wala tayong nakitang seryosong implementasyon. Talamak pa rin ang mga sasakyang bumubuga ng maruming usok. Marami pa rin sa mga komunidad ang karaniwan nang nagsusunog ng mga lumang goma o plastik. Itinatadhana ng batas na ito na tungkulin ng gobyerno na alagaan ang kapaligiran laban sa polusyon. May titindi pa kayang polusyon sa dinaranas natin pagkatapos ng selebrasyon ng New Year?
Sana’y seryosohin ni Presidente Aquino ang panaÂwagan sa mga stakeholders na talakayin ang usapin sa firecracker ban.
Sinasabing China ang pinagmulan ng rebentador pero alam n’yo ba na kahit nagpapaputok sila sa naturang bansa, hindi kasing-tindi ng ginagawa natin? Sa Hongkong halimbawa, mayroon lang isang lugar na pinagdarausan ng fireworks kapag bagong taon. Sana pagtiyagaang silipin ng pamahalaan ang mga negosyong pinapayagan pero nakakaligtaang may nilalabag palang batas.