Petilla bakit nag-resign?

ITO’Y pag-analisa lang sa nangyaring pagbibitiw ni Energ­y Secretary Jericho Petilla na hindi naman tinanggap ni Pangulong Noynoy Aquino.

Nakapagtataka kung bakit binigyan ni Petilla ang sarili ng napakaikling panahong taning para maibalik nang siyento porsyento ang kuryente sa kabisayaan na sinalanta ng bagyong Yolanda. Tiniyak niya na kung hindi niya ito magagawa, magbibitiw siya sa tungkulin. Hindi niya natupad ang pangako kaya bilang isang maginoong may palabra de honor, nagharap siya ng resignation letter sa Pangulo.

Palagay ko, alam ni Petilla na mabibigo siyang tuparin ang kanyang pangako. Pero bakit itinaya niya ang kanyang posisyon? Kaya ngayon, naghain siya ng pagbibitiw na hindi naman tinanggap ni Presidente Noynoy dahil nauunawaan daw ng Pangulo na talagang hindi mada-ling maibalik nang sandaang porsyento ang elektrisidad sa rehiyon.

Hindi kailangan ang isang eksperto para sabihin na mahabang panahon ang kailangan sa rehabilitasyon ng mga lugar na malubhang winasak ng bagyong Yolanda. Kasa-ma na riyan ang pagpapanumbalik ng daloy ng kuryente.

Iba-iba ang opinion ng publiko. May mga nagsasabing “pakulo” lang ito ni Petilla para ipagyabang na super-lakas siya sa Pangulo na batid niyang hindi tatanggap sa kanyang resignation.

May mga haka-haka rin na maaaring gusto na tala­­gang lumayas sa gabinete ng Pangulo si Petilla. Ang pina­­kamadali nga namang rason sa kanyang pag-alis ay kabiguang maibalik niya ang elektrisidad sa nasalantang lalawigan. Ngunit kung talagang ibig na niyang umalis, bakit hindi irrevocable ang pagbibitiw?

Ani Petilla, sinikap niya na maibalik ang supply ng kuryente sa lahat ng mga bayan sa Visayas dahil nakita sa pagtayang kakayanin naman pero huli ng malamang gahol o kulang na sa oras. Mahirap yatang paniwalaan.

Anyway, kung tinotoo ni Petilla ang pagbibigtiw sa pamamagitan ng irrevocable resignation, malamang isipin ng marami na baka nag-usap na sila ni Press Secretary Ricky Carandang na nauna nang nagbitiw sa puwesto sa hindi pa rin malamang dahilan. Tanong ng barbero ko’ng si Mang Gustin: “Abandoning a sinking ship?” Hindi naman siguro.

 

 

 

         

Show comments