Lisensya

ISA  sa mga dahilan kung bakit maraming naghahari-harian, balasubas at bastos sa lansangan ay dahil sa maluwag na pagpapatupad ng batas-trapiko.

Ang kawalang “sistema” at kaayusan, nakamulatan na nang maraming nagmamaneho, mapa-pribado man at pampublikong sasakyan. Hindi na nirerespeto ang batas dahil alam nilang madali lang nila itong malulusutan. Pero kung susunsunin ang dahilan ng problema, ang maluwag na “sistema” ng mga nangangasiwa sa “lansangan” ang puno’t dulo.

Kung sa simula pa lang, may maayos nang sistema ang Land Transportation Office na nasa ilalim ng Department of Transportation and Communications, mababa lang ang bilang ng mga aksidente sa lansangan.

Sa United States, hindi binibigyan ng lisensya ang walang disiplinang drayber at hindi marunong sumunod sa batas-trapiko. Bago pa maisyuhan ng driver license ang aplikante, dadaaan muna siya sa serye ng mga pagsusulit.

Kabaliktaran sa Pilipinas, madali lang makakuha ng lisensya. At dahil wala naman talagang istrikto at seryosong drive testing at iba pang mga pagsusuri sa sasakyan, marami ang nasasangkot sa aksidente.

Bukod sa mga balahura kung magmaneho, ang iba, sadyang wala talagang disiplina. Wala silang pakialam basta ang sa kanila, makasingit at makapagmaneho lang. Para bagang ang lisensiya, sa kanila ay simbolo ng isang napakalaking karapatan na maging barumbado na sa kalsada.

Ang lisensya ay isang prebilehiyo na ipinagkaloob ng estado sa isang nagmamaneho na may kaakibat na malaking responsibilidad. Kung sa umpisa pa lang ito naituro at naidikdik sa isip ng mga nagmamaneho sa lansangan, tiyak mababa ang mga aksidente sa daan.

Show comments