EDITORYAL - Nagbabayad ng terminal fee pero walang CCTV

KAHIT lagyan ng closed-circuit television (CCTV) camera ang lahat nang sulok ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay pupuwede. Sisiw lang ang CCTV sa pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA). Kung ang mga karaniwang establishment ay mayroong CCTV para sa kanilang seguridad, e mas lalong kaya ito ng NAIA. Mayroong binabayarang terminal fee ang bawat pasaherong umaalis ng bansa. Hindi makaaalis ang mga pasahero hangga’t hindi sila nagbabayad ng terminal fee.

Nasa P550 ang binabayaran ng bawat umaalis. Noong 2007, itinaas sa P750 ang terminal fee upang pondohan daw ang mga security-relayed projects sa NAIA. Kabilang sa mga popondohan ay ang paglalagay ng CCTV cameras. Nakalikom umano ng P3.9 billion sa mga taon na itinaas sa P750 ang terminal fee. Bukod sa CCTV cameras, bibili rin umano ng karagdagang body scanners, fire detection systems at shoe detector machines. Limang taon ang itinagal ng pagkolekta ng P750 sa mga papaalis na pasahero.

Subalit nakalipas ang limang taon, walang CCTV na nakita sa arrival area ng NAIA 3. Nasaan ang pondong nakolekta mula 2007 hanggang 2012? Nasaan ang sinasabing pag-upgrade sa security ng NAIA. Wala?

Ang kawalan ng CCTV sa NAIA ang naging isyu matapos ang malagim na pag-ambush kay Laba-ngan, Zamboanga del Sur mayor Ukol Talumpa at tatlong iba pa. Napatay ang mayor at kanyang asawa, pamangkin at isang sanggol. Ayon sa mga nakasaksi, dalawang lalaking naka-uniporme ng pulis at magkaangkas sa motorsiklo ang bumaril sa mayor habang sumasakay sa kotseng sumundo sa arrival waiting area. Pagkaraang barilin mabilis na nakatakas ang mga salarin. Hindi nahabol ng airport police.  Kung mayroon sanang CCTV, baka mayroon ng lead ang pulisya at maaring mahuli ang mga salarin. Pero wala ngang CCTV.

Nagbabayad ng terminal fee ang mga papaalis na pasahero pero walang kapalit na magandang seguridad. Malayang nakagalaw ang mga killer at idinamay pati ang mga inosenteng sibilyan pati ang walang muwang na bata. Kailan gaganda ang seguridad sa NAIA?

 

Show comments