Malungkot ang Paskong sa ati’y darating
pagka’t hindi lahat maraming pagkain;
Miyembro ng pamilya’y nawalay sa atin
maraming tahanan ngayo’y giba pa rin!
Sa lindol at bagyo nalumpo ang bansa
ang Visayas region ngayo’y dapang-dapa;
Awiting Pamasko doo’y baka wala
mga mamamayan pawang lumuluha!
Kaya anong saya ang ating gagawin
sa lagay na itong sakmal ng panimdim?
Kahit na umasang sila’y babangon din
parol sa bintana’y di na mapapansin?
May mga lugar pang hindi dinaratnan
ng biyaya’t tulong ng pamahalaan;
Maraming relief goods ang hindi namasdan
kaya luksang-luksa barangay at bayan!
Anuman ang ating isipin sa ngayon
mga nasalanta ay hirap bumangon;
Mga gibang bahay ay wala nang parol
wala ring marinig mga Christmas Carol!
Ang mga awiting doo’y maririnig
daing sa naglahong ama at kapatid;
Kaya ano pa ngang ating masisilip
mga tao roo’y sakmal ng hingpis!!
Tayong naririto sa ligtas na bayan
magdasal ang dapat sila’y matulungan;
Ang magarbong Pasko ay ating iwasan
at hangaring sila’y gumanda ang buhay!