SIMPLENG depinisyon ng iba’t ibang sangay ng gobÂyerno ang ginamit ng Korte Suprema sa pag-alis sa congressional pork barrel. Ehekutibo ang taga-execute ng proyekto; Lehislatura ang taga-legislate (pag-aproba at pagpondo). Batay doon pinasyang labag sa Konstitus-yon ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) — P27.5-bilyong taunang personal lump sums ng mga mambabatas. Ang tig-P200 milyon kada senador at -P70 milyon kada congressman ay ginugugol sa kung ano-anong proyekto na dapat ipaubaya ng Lehislatura sa Ehekutibo. Dahil discretionary ito, malamang abusuhin. At inabuso nga ito. Nu’ng 2007-2009 P10 bilyon ang binulsa umano ng tatlong senador at limang congressman sa tulong ni fixer Janet Lim Napoles.
Ngayong wala nang PDAF, mananatili ang Kongreso sa pagbabatas. Pero meron kasing-sama ng PDAF, ang presidential pork barrel. Ito ang Disbursement Acceleration Program. Ang DAP ay budget ng implementing agencies na binawi ng Malacañang sa gitna ng taon mula sa hindi pa nasisimulang proyekto, at katapusan ng taon na ipon sa pagtitipid. Nilipat ito ng Presidente sa kung ano-anong proyekto na hindi inaprubahan o pinondohan ng Kongreso. Samakatuwid, labag din ito sa Konstitusyon.
Sampung petisyon kontra DAP ang nakasalang sa Korte Suprema. Nag-oral arguments na, pagkatapos na pagkatapos ibasura ng Korte ang PDAF, unanimous na 14-0. DAP naman ang susuriin ng mga mahistrado.
Tulad ng PDAF, discretionary lump sum din ang DAP: P142 bilyon nu’ng 2011-2012. Maari rin itong abusuhin ng Presidente. At inabuso na nga. Ibinigay ang 9%, P13 bilyon ng P142 bilyon, sa Kongreso. Napunta ang P197 milyon sa tatlong senador na nagnakaw na ng PDAF.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com