MASAMA ang loob ng ilang local officials sa mga lalawigang sinalanta ng bagyong Yolanda kay DILG Sec Mar Roxas. Kasi pinagsasabon sila ni Roxas nang makita nito ang mga kaban-kabang bigas na nakatengga lamang sa mga bodega doon. Kay rami nga namang nagugutom na calamity victims tapos hindi nababahaginan ng pagkain?
Kesyo wala raw magamit na sasakyang panghakot ng bigas ang mga local na opisyal. Wala rin daw makuhang gasoline para sa mga behikulong gagamitin sa pamamahagi ng bigas sa mga bayan-bayan. Sabi naman ng isa, kararating lang ng nabanggit na suplay at pansamantala lang itong inilagak doon.
Ayy naku, napakababaw na dahilan! Nagkakamatayan na nga sa gutom ang iyong mga kababayan, dapat gumawa ka ng paraan para maiparating ang saklolo.
Hangang-hanga ako sa isang grupo ng mga katutubong Ita mula sa Pampanga. Sako-sakong saging at kamote ang personal nilang dinala sa Villamor Air Base para madala sa Leyte at itulong sa mga sinalantang kababayan nila doon. Tapos heto ang mga opisyales na naroroon na pero walang magawa?!!!
Kung ikaw ay isang alkalde o gobernador hindi ka ba mag-iisip nang paraan para maihatid ang kinakailangan ng mga kababayan mo? Alam nilang marami sa mga ito ang ilang araw nang walang makain. Ngunit tila walang sense of urgency ang mga naturang opisyal.
Mabuti nga na sinabon sila ni Roxas. Para sa akin, hindi lang sabon ang nararapat kundi suspension o pagsibak kung kinakailangang matuto sila. Ang masaklap, buong gobyerno ang binabato ng katakut-takot na batikos.
Bilang mga pinunong lokal na inaasahang first resÂponders sa oras ng kagipitan at kalamidad, dapat silang maging mapamaraan o resourceful sa pagpapaabot ng pagkain, tubig, gamot at iba pang basic relief items. Walang sasakyan? Walang gasolina? Natitiyak kong ang mga biktima ng bagyo ay hindi mag-aatubiling maglakad o magbisikleta o gumamit ng kariton papunta sa warehouse at dalhin ang mga bigas sa kanilang barangay, kung ipinaalam sa kanila ang problema. Ganyan ang ginawa nung World War II. Ano kayo, mga senyorito na walang paa at kamay na puwedeng kumilos? Hindi dapat ikasama ng loob ang pagsita sa kanila ni Roxas.
Pinupulaan na rin si Roxas ng kanyang sariling lalawigan ng Capiz dahil hindi pa siya dumadalaw doon na sinalanta ring malubha ng bagyo. Sa Leyte at Samar naglumagi si Roxas dahil ayaw daw nitong masabi ng publiko na higit niyang pinapaboran and sarili niyang probinsya.