SC wala nang pork barrel

Kung hindi nabisto si Janet Napoles

tiyak patuloy pa ang raket sa Congress;

Senators, congressmen sige rin ang raket

sa negosyo nilang mga monkey business!

 

Salamat na lamang doon sa Supreme Court

mga mahistrado’y hindi natutulog;

Ang pork barrel system o PDAF ni P-Noy

ay hindi na dapat ito’y magpatuloy!

 

Sa nagkakaisang desisyon ng SC

ang pork barrel system ay dapat iwaksi;

Sa Saligang Batas to’y maling-mali –

sa ating Kongreso’y di dapat maghari!

 

Dahil sa nakitang garapal ang Congress

itong Amang Diyos nagpakitang galit;

Digmaan at lindol at bagyong malupit –

ang sa ating bansa’y Kanyang pinasapit!

 

At bakit nga hindi’y kay laki ng mundo

bakit dito lamang may biglang delubyo

Ito’y paalalang dapat nang magbago

ang mga kagawad ng ating Kongreso!

 

Nangyaring trahedya roon sa Visayas

ay nakita natin taong masasama;

Mga opisyales dapat kumalinga –

mga dayuhan pa ang unang nagpala!

 

At ngayong wala nang pagkakaperahan

ang mga senador at mga congressman;

Sana ang atens’yon ng pamahalaan

itutok sa dusa nitong sambayanan!

Show comments