EDITORYAL - Siguruhin na makararating ang mga padalang tulong

UMAPAW sa baha ang mga lugar na sinalanta ni Super Typhoon Yolanda. Pero umapaw din ang tulong ngayon mula sa maraming malalaking bansa. Mula pa noong Lunes, maraming bansa na ang nagpadala ng kanilang eroplano na puno nang ma­raming kagamitan para sa mga nasalanta --- damit, tubig, tent, iba’t ibang pagkain, kitchen utensils at kung anu-ano pang mahahalagang bagay. Ma­raming doctor din mula sa ibang bansa ang dumating. Sabay-sabay na dumating ang mga tulong mula sa Britain, Japan, Korea, Canada, Norway, Saudi Arabia, Turkey at Israel. Ipinadala ng Britain ang kanilang barko na maraming equipment --- puwedeng gumawa ng inuming tubig mula sa dagat at mga heavy equipment para maalis ang mga nakaharang na debris sa mga kalsada at makagawa ng temporary road. Ang Israel ay 200 doctors ang ipinadala.

Walang patid ang pasasalamat ang gobyerno ng Pilipinas sa lahat ng bansang nagbigay ng tulong. Sa gitna ng trahedya ay marami ang handang dumamay. Sa dami ng mga dumating na tulong, maaaring wala nang makakaisip magnakaw o mag-loot sa Tac­loban at iba pang lugar. Kahapon, nareport na isang warehouse ng National Food Authority (NFA) ang pinasok ng mga magnanakaw.

Nararapat na ipamahagi agad ng gobyerno ang mga pinadalang tulong. Lubhang kailangan ng mga tao sa nasalantang lugar ang pagkain, gamot at mga damit. Huwag nang idaan pa sa kung sinu-sino ang mga pinadalang tulong. Iderekta na agad para mapakinabangan ang mga ito. Hindi na dapat magkaroon ng pagkakataon ang mga oportunistang pulitiko sa pagkakataong ito. Tiyak na may magsasamantalang pulitiko para sa kanila ma-credit ang mga pinadalang tulong.

Siguruhin din naman ng Armed Forces of the Philippines at PNP na ligtas na makararating ang mga padalang tulong sa mga nangangailangan. May report na hinaharang umano ng New People’s Army (NPA) ang mga truck na may kargang mga pagkain, damit at gamot. Huwag hayaan ang mga mapagsamantala sa pagkakataong ito.

Show comments