Ugali ng P-Noy admin ipagtigasan ang mali

“HINDI kami magnanakaw,” iginiit ni Noynoy Aquino sa pagdepensa sa presidential pork barrel nu’ng makalawang linggo. Subok ang katauhan at kahusayan ng mga itinalaga niya, ipinagtigasan niya.

Laganap pa ang tiwala kay P-Noy, maski bumagsak nang ilang puntos ang poll ratings. Ito’y dahil sa pananaw ng mamamayan, malinis siya. Hindi nila masasabi ’yon tungkol sa tauhan at kapartido niya.

Pinagtatanggol ni P-Noy ang mali. Nariyan ang kanyang Customs chief na minintis lahat ng buwanang collection targets, at National Police chief na hindi masawata ang krimen. Ang trustees niya sa Social Security­ System at Metropolitan Waterworks and Sewerage System ay nagbibigay sa sarili ng milyon pisong bonus para sa kapalpakan. Ang transportation secretary niya ay nagpapagawa ng vehicle license plates sa kompanyang blacklisted dahil sa forgery at sa kapos-puhunang Dutch partner. Nariyan ang untouchable na hepe niya ng Land Transportation Office.

Hinahayaan ng forester na environment secretary na kalbuhin ng illegal miners ang kagubatan. Ang governor ng Zambales ay pumapayag sa illegal extraction ng mga Chinese ng nickel at black sand, kasi malapit sa pamilya ni P-Noy bilang deputy ng Presidential Security Group ng nanay na Cory. Hindi maisaayos ng agriculture secretary ang supply at presyo ng bigas. Nakaupo ang mga hepe ng National Food Authority at National Irrigation Adminis­tration dahil lang “bata” ng agriculture chief.

Pinaka-malala ang budget secretary ni P-Noy. Hinigop nito ang P800 milyon mula sa line agencies, at ginawang pork barrel ng asawang kongresista.

Ika-anim na pinaka-malaking “pork” ito ng 24 senador at 292 kongre­sista, para sa pinaka-maliit sa 82 probinsya, na ang populasyon ay 16,000, mas konti kaysa bawat 42,000 barangay.

* * *

Makinig sa Sapol, Sa­bado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments