Ex-CJ Puno hindi pulitiko

KUNG tutukoy ako ng isang personaheng walang bahid ng pulitika sa katawan, ito’y si dating Chief Justice Reynato Puno.

Kaya pasintabi kay Senate President Franklin Drilon na nag-akusa sa dating Punong Mahistrado nang “pamumulitika.” Ito ay kasunod ng babala ni Puno na maaaring magkaroon ng pag-aalsa ang mga mamamayan kung hindi tuluyang maibabasura ang kontrobersiyal na “pork barrel” funds.

Ang sagot ni Drilon: “Namumulitika” daw si Puno. “Yan po ay salitang pamumulitika, ng dating Chief Justice” ani Drilon. Nakakalungkot po ang mga ganitong klaseng salita na manggagaling sa dating Chief Justice,” pahayag ni Drilon.

Opinyon ni Drilon na may kaukulang kaso nang naisampa sa Ombudsman at ang isyu sa pork barrel ay iniimbistigahan nang masusi ng Senate Blue Ribbon Committee kaya walang basehan ang sinasabi ni Puno na magkakaroon ng pag-aaklas ang taumbayan.

Hindi dapat bale-walain si Puno na nagsisiwalat lang sa persepsyon ng mamamayan sa  ating pamahalaan ngayon. Sa pananaw ko, maging si Presidente Aquino ay siniseryoso ang hindi magandang impresyon ng mamamayan sa kanyang administrasyon. Katunayan, ito’y reflected sa survey ng Pulse Asia na nagpapakita ng pagbulusok ng approval rating ng administrasyon dahil sa usaping pork barrel.

Kaya nga nagsalita siya on national broadcast and telecast upang ipaliwanag ang  kanyang panig at mabura ang pangit na impresyong ito. Totoong ilang mambabatas, kabilang ang tatlong senador ang nasampahan ng reklamong plunder sa Office of the Ombudsman kaugnay sa P10 bilyong pork barrel funds. Pero nakikita natin ang impresyon ng mga mamamayan na may mas malalim pang ugat ang anomalyang ito na dapat putulin. Habang binabatikos ng mga opisyal ng pamahalaan ang mga taong tumututol sa “pork” tulad ni Puno, lalu lamang mag-iinit ang mga mamamayan.

 Mahalaga ang public opinion makatotohanan man ito o mali. Ang pinakamabuting magagawa  ng administrasyon ay patunayan na lang na hindi totoo ang masamang hinala ng bayan sa kanila sa halip na tuligsain ang opinion ng publiko gaya ng inihayag ni Puno na isa na ngayong ordinaryong mamamayan.

Show comments