MAYROON daw mga mayor sa Bohol na itinatago ang relief goods para sa mga biktima ng lindol. Ayon sa report, maraming residente ng mga bayan sa Bohol ang hindi pa nakatatanggap ng tulong mula sa pamahalaan kahit mahigit isang linggo na mula nang tumama ang 7.2 magnitude na lindol na ikinamatay na ng 200 katao. Karamihan sa mga nagrereklamo ay ang mga nakatira sa liblib na lugar. Ayon pa sa isang TV report, asukal na lamang ang inuulam sa kanin ng mga residente. Tanong din nang marami, kinalimutan na raw ba sila ng pamahalaan at walang dumarating na tulong.
Mahigpit naman ang banta ni DILG secretary Mar Roxas sa mga mayor na itinatago o hino-hoard ang relief goods. Mananagot daw sa batas ang mga mayor na mapapatunayang itinatago ang mga pagkain, tubig, gamot, kumot, tent at marami pang tulong. Inatasan na ni Roxas ang Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang reklamo ng mga tao sa maraming bayan na hindi raw nakakatanggap ng tulong dahil hino-hoard daw ng mga mayor. Sabi ni Roxas, walang karapatang pigilin o itago ng mga mayor at iba pang local officials, maski ng barangay ang mga relief goods. Hindi raw siya mangingiming sampahan ng kaso ang mga opisyal na mapapatunayang hino-hoard ang relief goods.
Nasaan ang konsensiya ng mga mayor na nagtatago ng relief goods? Lubhang kawawa ang kalagayan ng mga nilindol na ang ilan pa sa kanilang kaanak ay hindi pa nakikita at maaaring patay na. Marami ang dumadaing sa gutom. Ubos na ang kanilang bigas. Ang nakakaawa raw ay ang kanilang maliliit na anak. Baka mamatay ang mga ito sa gutom.
Umano’y may mga mayor na hino-hoard ang relief goods para gamitin ng mga ito sa pangangampanya ng kanilang mga alipores na kandidato sa barangay. Umano’y nilalagyan ng pangalan ang mga plastic na supot na may lamang relief goods para ma-credit sa kanila. Aakalain ng mga tao na sa kanila galing ang tulong. Sa Lunes ay barangay election na kaya hataw sa pangangampanya ang mga kandidato.
Bilisan ng PNP ang pag-iimbestiga para maparusahan ang mga mayor na hino-hoard ang mga relief good. Huwag silang patawarin.