ANG legalidad ng paggamit ni P-Noy ng PDAF, ang paliwanag ng Senado kung bakit hindi nila mapatawag si Janet Napoles, ang desisyon ng Mataas na Hukuman sa disqualification ng karibal ng anak ng isang kapwa mahistrado – ang lahat ng ito ay usaping mareresolbahan lamang at, bago iyon, maiintindihan lang ng lipunan sa tulong ng mga abogado. Bilang propesyon na siyang nakakaintindi ng Saligang Batas na pinanggagalingan ng kapangyarihan ng tatlong sangay ng ating gobyerno, maraming attorney ang ngayo’y bugbog sa tanong at kunsulta ng mga kabaÂbayang nais makaunawa. Sa kabila ng mga araw araw na hamon sa buhay at sa trabaho, ang abogado ang unang takbuhan ng komunidad upang maipaliwanag ang malabo o para lang mabigyang boses ang ating mga pananaw at paninindigan na nahihirapan tayong bigkasin. Bahagi ito ng serbisyo sa kapwa na inaasahan ng lipunan mula sa mga may mataas na pinag-aralan.
Sa aming mga abogadong nagtapos sa College of Law ng Ateneo de Manila, bahagya kaming nabigyan ng pahinga sa serbisyo nang kami’y magtipun-tipon noong nakaraang Biyernes, Oktubre 18 para ipagdiwang ang 2013 grand alumni homecoming. Sa piling ng aming panauhing pandangal, ang kagalang-galang na Punong Mahistrado ng Pilipinas, Ma. Lourdes P.A. Sereno, mahigit 500 sa aming hanay, mula sa mga kauna-unahang batch 1939 hanggang sa kaka-gradweyt lang, ay nagsalo sa New World Hotel. Sa mga kuwentong buhay ng pinarangalang Jubilarians, muli kaming napaalalahanan ng aming misyon at obligasyon na gamitin ang Ateneo Law Education upang makapaglingkod sa kapwa.
Napakarami nang abogado ng Ateneo ang nag-alay ng kanilang pawis, talino at panahon upang mapagaan ang buhay nang marami, magkasaysay ang walang katuturan at para mapaganda ang kinabukasan ng lahat. Salamat sa aming kolehiyo at kami’y nabigyan ng ganitong uri ng training at ng pagkakaÂtaon na magamit ito upang makatulong sa mas nakararami maging sa pulitika, sa negosyo o sa akademiya.