TAMA ang desisyon ng korte na ipawalambisa ang Extrajudicial Settlement with Deed of Absolute Sale dahil hindi sinama sina Elsa at Vicky at hindi ipinaalam sa kanila ang hatian. Alinsunod sa Articles 979 at 980 ng Civil Code, lahat nang lehitimong anak ni Ana sa unang kasal kay Greg at sa kanyang pangalawang kasal kay Erik ay may karapatang makapagmana sa kanyang naiwang ari-arian sa pamamagitan ng pantay-pantay na paghahati nito. Kaya nang mamatay si Ana, ang nakuha dapat na parte nina Erik at mga anak ni Ana ay ang sumusunod: Erik 9/16, (1/2 conjugal asset/hati bilang asawa dagdag ang 1/16 parte ng mana kay Ana), Elsa, Vicky, Pol, Alice, Minda, Danny at Rosie – 1/16 bawat isa.
Sa parte rin nina Danny at Rosie, hindi legal ang na-ging extrajudicial settlement dahil walang kapangyarihan ang kanilang amang si Erik na ibenta ang kanilang mana kung wala itong basbas ng korte. Bilang guardian nila, ang tanging kapangyarihan ni Erik ay pamahalaan lang ang kanilang mana at tanggapin kung ano ang tubo nito para sa kanila habang hindi pa sila tumutuntong sa hustong edad. Wala sa kapangyarihan ng guardian ang magdispatsa sa parte ng dalawang bata.
Ngunit kahit pa sabihin na walang bisa ang nangya-ring paghahati ng mana o extrajudicial settlement, ang ginawa naman na pagbebenta ng parte ng mana nila ni Erik at mga anak niyang sina Pol, Alice at Minda sa mag-asawang Harry at Julie ay legal. Sa sandaling namatay si Ana ay nagkaroon na sila ng karapatan na gawin kung ano man ang kanilang gusto sa kanilang parte sa mana bilang mga may-ari, kasama na ang pagbebenta nito. Sa parte naman ni Rosie, dahil dineklara na niya sa Korte na may bisa ang pagbebenta, hindi na nya maaring kuwestyunin pa ito.
Kaya sumatotal, ang bentahan ng lupa pabor sa mag-asawang Harry at Julie ay legal sa bahaging 13/16 nina Erik, Pol, Alice, Minda at Rosie. Sa kabilang banda naman, walang bisa ang bentahan sa 3/16 na parte nina Elsa, Vicky at Danny at nananatili silang legal na may-ari nito. Dapat na isauli ng estate ni Erik pati rin nina Pol, Alice, Minda at Rosie ang P15,000.00 katumbas ng 3/16 na parte nina Elsa, Vicky at Danny dagdag pa ang interest na anim na (6%) porsyento mula nang ibayad ito ng mag-asawang Harry at Julie hanggang sa maging pinal ang desisyon ng korte at pagkaraan nito, dose porsyento (12%) na interes hangang sa tuluyan nilang maisauli/mabayaran lahat (Neri et. Al. vs. Heir of Uy, G.R. No. 194366, October 10, 2012, 683 SCRA 553).