HINDI nag-iisa ang Social Security System (SSS) sa pagbibigay nang matatabang bonus sa kanilang mga opisyal. Hindi nagpatalo ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at nagbigay din ng performance bonus sa kanilang mga opisyal at empleado. Pero ang nakagugulat, sa kabila na mahina ang performance ng PhilHealth, nakapagbigay nang mas malaking bonus (mas malaki kaysa SSS) na umaabot sa P1.5 billion. Ang SSS ay nagbigay ng P1 milyong bonus sa kanilang top officials. Binatikos nang marami ang ginawa ng SSS at hiniling na ibalik ang milyones na bonus. May mga opisyal umano ng SSS na nagsauli na ng bonus.
Hindi maganda ang performance ng PhilHealth at malamang na kung ano ang nangyari sa SSS na kinalampag ng mga militante, maaaring ganito rin ang gawin sa PhilHealth. Kung mayroong nakitang mga pagkukulang sa serbisyo ng SSS, mas marami ang nakitang pagkukulang ng PhilHealth sa napakaraming members na nagki-claim ng reimbursement. Ayon sa Commission on Audit (COA), mula 2007 nasa P250.15 million na claim ng members ang hindi pa nare-reimburse ng PhilHealth. Karamihan sa mga miyembro ay nagkasakit at sumailalim sa medical treatment pero ang masakit hindi ito agarang ma-reimburse o ma-refund. Sabi ng PhilHealth, nasa process daw ng validation ang mga refund. Kulang din daw sila sa mga personnel at compu-ters para maproseso ang mga refund ng members.
At ang matindi rito, katulad ng SSS, magtataas din ng premium ang PhilHealth sa susunod na taon. Panibagong pasanin sa miyembro ang pagtataas. Wala namang magawa ang miyembro sapagkat kakaltasin na ito sa kanilang suweldo.
At habang ang mga miyembro ay kinakaltasan, matataba na bonus naman ang natatanggap ng mga opisyal at pati empleado. Ayon sa COA, noong 2011, nagbigay ng bonus na P1.245 billion ang PhilHealth at noong 2012 ay P1.45 billion.
Masyado namang malaki ang performance bonus para sa PhilHealth officials at empleado. Bilyones ang napupunta sa kanila gayung hindi naman sapat ang kanilang serbisyo sa mga miyembro. Kawawa naman ang mga miyembro kaya sana, maging prayoridad ang mga ito. Nasaan naman ang konsensiya, na habang nagpapasasa sila sa bonus ay maraming miyembro ang hinihimatay sa pagpila para lamang makakuha ng refund.