‘Abo nabuong Warrant’

MAHIGIT isang taon na ang nakakaraan nang una naming  itinampok sa’ming pitak ang kwento ni Lolita San Jose o “Lolit” at ng ilan pa niyang kasamahan sa trabaho na naloko ng magkapatid na umano’y estapadora. Pinamagatan namin itong “Naabong pera”.

Kapwa sila nagtatrabaho sa isang kumpanya ng sigarilyo, ang Fortune Tobacco na si Lucio Tan ang may-ari. Mahigit 25 taon silang naglingkod bilang ‘factory worker’. Nang sila’y magretiro mahigit sa isang milyon ang nakuha ng bawat isa bilang ‘retirement fee’.

Si Juancho Cabrera, kasamahan din nila sa kumpanya ang nagpakilala sa kanya sa  magkapatid na Jane Barrion at Cristina Reyes.

“Naengganyo kami dahil malaki ang magiging tubo ng pera namin,” wika ni Lolit.

Ang kalakaran, may magsasanla sa kanila ng titulo ng lupa at limang porsiyento kada buwan ang magiging interes nito.

“Mas nakumbinsi ako nang sabihin nilang pupuntahan namin mismo ang lupa’t bahay para makasiguro,” kwento ni Lolit.

Matapos mapuntahan ang bahay agad na nag-withdraw si Lolit. Ibinigay niya sa magkapatid ang halagang napag-usapan. Inabot din sa kanya ang ilang papeles ng lupa.

Nasundan pa ang ganitong uri ng transaksiyon. Pinagkakatiwalaan niya ang magkapatid. Binigyan si Lolit ng mga ‘post dated cheques’. Madali niyang nakuha ang unang buwang bayad sa kanya ngunit ang mga sumunod ay paiyakan na. Nagtalbugan ang mga cheque.

“Nahuli lang ang hulog pero malalamanan din yan,” sagot umano ni Jane sa kanya.

Umabot ng dalawang milyong piso ang nailabas na pera ni Lolit. Lahat ng nakuha niya sa kanyang pagreretiro ay dun lang napunta.

Nagpirmahan din sila ng kasunduan. Ayon dito, sa loob ng anim na buwan ay tutubusin na ang mga isinanlang lupa. Ang magiging kolateral ay ang mga titulo. Kung hindi pa matutubos patuloy ang interes at maaari daw ilitin ang nakasanlang bahay at lupa.

Lumipas ang mga araw hindi pa rin nakukuha ni Lolit ang interes. Kinutuban siya na baka hindi na maibalik ang kanyang pera. Napagpasyahan niyang kumpirmahin kung totoo bang pagmamay-ari ni

Cristina ang mga lupang isinanla.

Nagpunta siya sa ‘Registry of Deeds’ at natuklasan niyang peke

ang mga titulong ibinigay sa kanya ng magkapatid.

“Yung isa iba ang may-ari, yung isa naman wala na nang ipa-check ko sa mapa,” sabi ni Lolit.

‘Di na mahagilap ni Lolit ang magkapatid. Marso 2012 nagsampa siya ng kasong ‘Estafa’ sa Prosecutor’s Office San Mateo Rizal.

Ilang araw ang nakalipas, napag-alaman niyang naloko din ng magkapatid ang ilan niyang mga kasamahan sa trabaho.

“Nagsampa din sila ng kaso kina Jane at Cristina,” ani Lolit.

Makalipas ang mahigit isang taon. Ika-2 ng Abril 2013 naglabas ng ‘warrant of arrest’ para kina Marie Jane Barrion, Carmelita Capili at Rita Lontoc a.k.a Nemia Raras ang Regional Trial Court (RTC) Branch 77-San Mateo, Rizal sa kasong ‘Estafa thru the use of a Falsified Public Document’. Pirmado ito ni Judge Lily Villareal Biton.

Mayo 31, 2013 naman nang lumabas ang warrant of arrest laban kina Annaliza de Jesus at Pacita Lucas. Pirmado ito ni Judge Josephine Zarate-Fernandez.

“Sina Carmelita, Rita at Cristina ang nagpakilalang borrower sa amin,” pahayag ni Lolit.

Maging si Lilibeth Grajo na naloko ng 1.2 milyong piso ng magkapatid ay may hawak din warrant of arrest nina Marie Jane Barrion at Carmelita Capili sa parehong kaso.

“Pagkalabas ng warrant ni Carmelita nagpiyansa siya tapos hindi na nagpakita,” pahayag ni Lolit.

Naglalabas ng ‘bench warrant’ para kay Carmelita dahil hindi na ito nagpapakita sa mga pagdinig.

“Maraming pangalan ang ginagamit ni Mary Jane Barrion. Marie Jenny Barrion Angco at Mary Jane Ato. Yung iba hindi ko na alam,” ayon kay Lolit.

Inaantay na lamang din nila na lumabas ang warrant na hawak ng kasamahan nila laban kina Jane at ilan pang kasamahan nito na nagpakilalang mga borrower.

Nagkaroon ng pag-asa sina Lolit na mabibigyang hustisya ang panlolokong ginawa sa kanila ng magkapatid na Jane at Cristina.

“Masaya kami ng nailabas na ang warrant of arrest. Sana mahuli na mga nanloko sa’min! Pinaghirapan namin ang perang yun tapos sa kanila lang mapupunta!” sabi ni Lolit.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa  radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 3:00pm-4:00pm at Sabado 11:00am-12pm) ang kwentong ito ni Lolit.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ‘wag tayong masilaw sa kikitain ng ating pera. Naiintindihan ko na mababa ang interes na binibigay ng bangko. Na ang dating interes ng ‘premium savings’ o ‘time deposit’ ay umaabot ng 4% per month subalit may bawas na ‘tax’. Dito sa usaping ito 5% ‘tax free’ pa. Ang tanong ‘safe’ ba?  Sa bangko sigurado kang nandun ang pera mo at ‘di ka mahihirapang kunin kahit ano mang oras.

Ito na ang modus na minaster ng mga taong katulad nila Jane na mangumbinsi ng mga taong madaling magpadala sa mas malaki ang kita. Isa na rito ay ang mga bagong retiro na hindi alam kung anong negosyo ang papasukin kaya’t madaling mapapayag.

Kung sino man ang may impormasyon sa kinaroroonan nitong sila Jane makipag-ugnayan lamang sa mga numero sa ibaba.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166(Dahlia), 09213784392(Carla), 09198972854 (Monique). O tumawag sa 6387285 at 7104038.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

Show comments