Sunud-sunod na rally nakaamba

SA September 21 ng taon ay isa pang malaking prayer rally laban sa pork barrel ang idaraos naman ng malaking grupo ng mga Kristiyano sa Luneta.

Pero bago iyan, sa Miyerkules (Sept. 11) ay magdaraos  pa rin ng EDSA Tayo rally na inaasahan ding dadaluhan ng sangkatutak na tao kagaya ng ginanap sa Luneta kamakailan.

Tingin ko hindi puwedeng tawaging politically motivated ang mga kilos-protestang ito. Puwede siguro kung may nag-iisang political group na kontra sa administrasyon ang nagpapasimuno. Kung nagkakaroon man ng kulay-politika, ito’y dahil sa pagsakay ng  ilang politikong kontra kay P-Noy sa isyu. Hindi mawawala ang mga politiko sa eksena na pihong ngingisi-ngisi pa dahil pabor sa kanila ang mga pangyayari.

Pero kamakailan ay tinawag na isang destabilization move ng Malacañang ang mga pagkilos na ito na nagla­layong ibagsak ang pamahalaang Aquino. Iyan ay pa­nanaw ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda.

Ang naunang million people march sa Luneta, ay sinimulan lang ng iisang tao sa pamamagitan ng social network ngunit ang nakatakdang rally sa Miyerkules ay diskarte ng ibang grupong tumututol din sa pork barrel.

Dahil sa musikerong si Ito Rapadas na naghayag ng kanyang sentimiyento sa Facebook, marami ang nakisimpatiya sa kanya kaya nabuo ang naturang kilos-protesta.

Ang Luneta prayer rally sa Sept. 21 ay sinusuportahan din ng mga taong lumahok sa naunang million people march. Bilang Body of Christ, ipinasya ng mga Obispo na idaos ang separate prayer rally.

Sa aking pananaw gayun­din ng ilang naka­usap ko, mali si Lacierda sa pagturing sa mass action na destabilization move.  Mali ring sabihing nagkakawatak-watak ang mga sumasali sa rally na ito.  Kahit sila’y galing sa iba’t ibang sektor, nagkakaisa sila sa hangaring lansagin ang corruption sa bansa.

Kung totoo ang sinabi ng Pangulo na kaisa siya sa layuning sugpuin ang corruption, walang dahilan para mangamba ang pamahalaan.

Palagay ko, dapat samantalahin ng adminis­trasyon ang nagaganap na kamulatang ito sa ating mga kababayan para puspusang maisulong ang kampanya laban sa ka­tiwalian.

Show comments