‘Kambal tinuhog (?)’ (Huling bahagi)

“Huh! Sinong may gawa n’yan? Kailangan mabulgar yan!” sabi ng kapitbahay. “ ‘Wag na lang po…Gusto ko na lang pong umuwi!” sagot ni Paw.

“ALAM mo ba pabalik sa inyo?” tanong sa kanya.

Nung Biyernes isinulat namin ang tungkol sa paulit-ulit na pang-aabuso umanong ginagawa sa 12 anyos na kambal na tinago namin sa pangalang “Paw” at “Lyn” sa kamay daw ni Christopher Manarin o “Buboy”.

Sinubukang itakas si Paw ng kapitbahay subalit hindi nito maituro ang bahay nila sa Carmona, Cavite.

Umulit pa umano ang panghihipo hindi lang kay Paw, maging sa kanyang kambal. Habang nagdadalaga sila naiintindihan nilang mali ang ginawa ni  Buboy.

Isang araw, matapos umanong muling abusuhin pinilit daw ni Lyn si Paw na magsumbong sa tiyuhin na si Oliver Devilleres.

Nagkarating ang sumbong sa asawa ni Buboy na si Haidy “Ninang Haidy” (kung tawagin ni Paw). Sa halip na kampihan, pinabawi pa daw ni Haidy ito. “Hindi yan magagawa ng asawa ko! Bawiin mo,” utos umano ng ninang.

Wala nun si Lyn, pakiramdam ni Paw wala siyang kakampi kaya’t napilitan niyang bawiin ang sinabi. Habang nanindigan naman si Lyn.

“Kinausap niya ako sa cell phone. Binawi na daw ni Paw, sabi ko kahit binawi ng kambal ko ang sinabi niya papatunayan kong totoo yung ginagawa ni Kuya Buboy sa’min. Sinungaling daw ako!” matigas na sabi ni Lyn.

Dahil sa nangyaring eskandalo sa pamilya nila Haidy. Tatlong linggo tumigil si Buboy sa ginagawa subalit parang adik na naulit daw ang pang-aabuso sa kanila.

Nitong huli, katapusan ng Abril taong kasalukuyan… nagdiriwang ng kaarawan si Haidy. May kainan at inuman. Nang malasing, nakatulog si Haidy. Nasa taas na… sa kanilang kwarto ang kambal para matulog.

Tulad ng dati hinarang nila ang kabayo ng plantsa sa pinto. Ito ang nagsisilbi nilang kandado sa pintuang iyon.  “Kapag nalaglag ang kabayo ibig sabihin pumasok na si Kuya Buboy sa kwarto,”  wika ni Lyn.

Maya-maya narinig ni Lyn na nalaglag ang kabayo. Nagkunwari siyang nagising. Gumalaw-galaw sa kama kaya’t muli itong lumabas.

Ginising niya si Paw. “Si Kuya Buboy…pumasok sa kwarto,” sumbong nito. Itinayo nilang muli ang kabayo, ibinalik sa pinto para iharang.

Pagsapit ng madaling araw, natumba itong muli. Nakita na lang ni Lyn na palapit sa kanya si Buboy. “Kuya Buboy bakit po?” tanong ni Lyn.

“May inaayos lang ako,” sagot ni Buboy na noo’y hinahawakan na umano ang kanyang ari. Hindi nakaalma si Lyn, alam niyang kapag nagtanong pa siya masasampal lang siya ulit. Tumagilid siya para iwasan si Buboy.

Huminto si Buboy. Nagtalakbong si Lyn. Maya-maya naramdaman na lang niya na nilaktawan siya nito at pumunta sa kabilang bahagi ng kama kung nasaan si Paw. Nakita niyang hinahawakan umano ni Buboy ang dibdib ng kakambal.

Kinurot niya ng madiin si Paw para magising. “Aray ko naman!” sigaw ni Paw. Nagulat si Buboy at mabilis na tumakbo palabas ng kwarto.

Sa kabila ng umano’y naranasang pang-aabuso ng kambal. Ayon sa kanila, sila pa ang pinagalitan ni Haidy ng minsan pumasok daw sa banyo itong si Buboy habang naliligo silang kambal para kunin ang nahulog na limang piso.

Nakita daw silang tatlo ni Haidy na magkakasama sa banyo at sa halip na ang asawa ang pagsabihan sila pa daw ang pinagsisigawan.

Buwan ng Mayo 2013, nagpaalam si Paw na magbakasyon sa Carmona. Nung una ayaw daw siyang payagan ni Haidy subalit nagpumilit siya.

Mula ng umuwi sa inang si Rexie hindi na nagpabalik pa si Paw sa bahay ng ninang. Dito na nagkaroon ng lakas ng loob si Paw na magsumbong sa ina. Sinegundahan naman ito ng kambal niyang si Lyn.

Hindi malaman ni Rexie ang gagawin ng marinig ang mga anak. Bitbit ang kambal, pumunta sila kay Haidy. “Mag-usap tayong apat sa taas,” panimula nito.

Sinabi ni Rexie lahat ng sumbong nila Paw at Lyn. “Alam  mo ba pinaggagawa ng asawa mo?!” matigas na tanong ni Rexie.

“Totoo ba kambal?” tanong nito. Mabilis na sumagot si Lyn ng “Oo”. Kinwento niya ang mga pangyayari. Humagulgol na sa iyak itong si Haidy… nakiusap umano, “Ate Rexie, ‘wag mo ng ilabas ‘to sa mga kamag-anak natin. Baka makulong ang asawa ko. Kung gusto mo susustentuhan ko pag-aaral ni Paw. Pagnakaluwag ako bibigyan ko din kayo buwan-buwan,”

Hindi na umimik si Rexie at umalis na lang. Sa loob-loob niya, buo na ang desisyon niyang magdemanda. Umuwi silang mag-iina.

Kung saan-saan sila humingi ng tulong. Una silang pumunta sa National Bureau of Investigation (NBI), Cavite District Office-Tagaytay City. Hindi pa natatapos ng NBI ang imbestigasyon, lumapit naman si Rexie kay Cong. Roy Loyola ng Carmona, Cavite. Nagmalasakit ito at pinaimbestigahan ang kaso sa Philippine National Police (PNP), Cavite City. Ayun nadoble ang imbestigasyon.

Ayon kay Rexie,  mas naging detalyado ang imbestigasyon ng NBI kaya’t sila na mismo ang nagdesisyon na  ito ang ipasang mga dokumento subalit nung pumunta sila sa Prosecutor’s Office, Cavite City--Ika-19 ng Hunyo 2013, nalaman nilang una ng naiakyat ng PNP ang kaso at may ‘docket number’ na ito.

Ipinagpilitan ni Rexie na gamitin ang NBI report na sinagawa sa kambal subalit giniit daw ng may hawak na prosecutor na si Associate City Prosecutor Cristina Tuazon-Alberto na PNP na gamitin sa pagsampa ng kasong Violation of Art. 266-A (Statutory Rape) and Acts of Lasciviousness in relation to RA 7610.

Katanungan nila Rexie, maari pa bang gamitin sa kaso ang salaysay nila Paw at Lyn at iba pang dokumentong galing sa NBI tulad ng Medico Legal Report? Ito ang dahilan ng paglapit nila sa aming tanggapan.

  Itinampok namin ang mag-iina sa CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM/ Sabado 11:00-12:00NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pinaliwanag namin kay Rexie na PNP report ang ginamit ng taga-usig sa kaso at hindi na sinama pa ang NBI report ay dahil kapag tinanggap pa ito ng ‘Pro­secution’ gayung may una ng naisampa maaring mabalewala ang kaso dahil papasok ito sa tinatawag na ‘forum shopping’ o pagsasampa ng dalawang kaso sa iisang akusado, biktima at demanda.

Ang mabuting gawin ni Rexie, magsumite ng Supplemental Affidavit kung pwedeng iditelyado ng kambal ang naunang salaysay nila tulad ng ibinigay sa NBI.

Pagdating naman sa kasong sinampa ng PNP, wala kaming nakikitang pagkakamali dito dahil hinain pa rin nila ang kasong Statutory Rape/ Art. 266-A kung saan ang biktima ay nasa edad 12 anyos. Hindi man naipasok nitong si Buboy ang kanyang ari (kung totoo ngang may pang-aabusong nangyari) nakasaad sa ‘Expanded Rape Law” (RA 8353) na anumang bagay o instrumento na pinasok sa anumang parte ng katawan ng babae na may butas kagaya ng ari, pwet o bibig rape pa rin ito. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City­State Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayo magtext sa 09213263166(Chen), 09213784392(Carla), 09198972854(Monique). O tumawag sa 6387285/ 7104038.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

Show comments