EDITORYAL - Ngayon lang gumalaw ang COA

PAANO kaya kung hindi nabuking ang P10 bilyong pork barrel scam na minaniubra umano ni Janet Lim-Napoles? E di hanggang ngayon ay walang pagkilos na ginagawa ang Commission on Audit? Kung tutuusin, dapat ay ang COA ang unang nakabuking ng mga iregularidad hinggil sa paglalabas ng pondo. Lahat ng mga kaugnayan sa pananalapi at mga transaksiyong may kinalaman sa pera ay dapat nakita ng COA. Dapat nagduda na sila noon pa sa mga milyones na nailabas ng mga mambabatas gamit ang mga non-government organizations (NGOs). Pero walang ginawa ang COA kaya malayang nagamit ang pondo. Nakapagdududa kung may nalalaman ang mga taga-COA sa maanomalyang transaksiyon sapagkat hindi sila kumikibo.

Kung hindi pa umalingasaw ang pork barrel scam at nabandera na sa mga diyaryo ang mukha ni Napoles, hindi pa gagalaw ang COA. Imagine, lumipas pa ang ilang linggo bago naglabas ng special report ukol sa misuse ng pork barrel fund ng mga mambabatas ang COA. Biglang nagpatawag ng press conference si COA Chairman Grace Pulido-Tan at inilabas ang special audit ng disbursement ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas mula 2007 hanggang 2009. Ayon kay Pulido-Tan nagulat siya sa resulta ng audit sapagkat may mga mambabatas na nakapag-released ng bilyong piso mula sa pork barrel. Isa sa nabanggit ay ang P3-billion pork barrel na na-released umano kay dating Compostela Valley Rep. Manuel “Way Kurat” Zamora. Pero malaking pagkakamali ang nagawa ng COA sapagkat mali ang kanilang report kay Way Kurat. Sabi ng Department of Budget and Management (DBM), mali ang item ukol sa dating mambabatas.

Kinukuwestiyon din kung bakit 2007 hanggang 2009 lang ang na-udit ng COA. Bakit hindi kasama ang 2010, kung kailan nanungkulan si P-Noy?

Tungkulin ng COA na magsagawa taun-taon nang pag-examine at pag-audit sa mga ginastos ng gobyerno. Mayroon silang kapangyarihan na gawin ito. Lahat nang paggamit ng pondo ay nararapat na sinasala at mabusising sinisiyasat kung tama ang pinagkagastusan kalakip ang mga resibo at iba pang katibayan. Hindi sila dapat “natutulog sa pansitan”.

Ngayong nagsisimula na ang Senado sa pagbulatlat sa pork barrel scam, malaki ang magiging papel ng COA para lalong madiin ang mga kawatan. Galaw-galaw naman COA.

 

Show comments