‘Kambal tinuhog (?)’ (Unang bahagi)

SABAY na tinikom ang bibig. Magkasamang pinosas ang mga kamay para ‘di pumalag. Nang bumuka ang labi ng isa, sumunod ng magsalita ang pangalawa.

Ganito naghintayan ang kambal na sina ‘Lyn’ at ‘Paw’ (di tunay na pangalan dahil menor de edad), 12 taong gulang.

Hinaharang nila ang kabayo ng plantsa sa pinto. Kapag nalaglag at tumunog… hudyat itong pumasok na ang lalakeng kanilang kinakatakutan.

Siya daw si Christopher Manarin, 35 anyos. ‘Kuya Buboy’ kung tawagin ni Lyn.  ‘Ninong Buboy’ naman para kay Paw.

“Ilang beses ko inayang magsumbong ang kapatid ko pero takot kasi si Paw. Mahirap daw ang sitwasyon niya,” pahayag ni Lyn.

Pangatlo sa apat na magkakapatid ang kambal ni Rexie Hebron, 41 taong gulang ng Carmona Cavite. Dalawang taong gulang pa lang ang kambal ng mamatay ang kanilang amang si Manolito “Manuel”.

Kahit nung buhay pa si Manuel, aminado si Rexie na hirap sila sa kanilang buhay.  Walong buwan pa lang si Paw, inampon na siya ng kapatid ni Manuel na si Edimar “Eddie” Pangramuyen. Mula Carmona, Cavite lumipat si Paw sa bahay ni Eddie sa Cavite City.

Si Eddie at ang dating asawa nitong si Lucy ang kinagisnang magulang ni Paw. “Ang akala ko talaga dati si tatay Eddie at nanay Lucy ang magulang ko at si Haidy ang ate ko,” ani Paw.

Si Haidy Manarin, 28 anyos ang una daw inampon ng mag-asawang Pangramuyen bago pa si Paw.

Magkasama sila sa iisang bahay ni Haidy hangang mapangasawa nito si Buboy at magkaroon sila ng dalawang anak. Ate pa nga ang tawag niya kay Haidy… naging Ninang na lang nitong huli.

Grade III na daw ng matuklasan ni Paw na si Rexie ang tunay niyang ina at hindi si Lucy.

“Nung bata pa ako, kapag naglalaro kami ni Lyn, alam kong kambal kami… dahil nga magkamukha kami pero ang pinagtataka ko nun magkaiba kami ng nanay,” pahayag ni Paw.

Maayos nung una ang pamilyang kinagisnan ni Paw hangang maghiwalay

sina Eddie at Lucy. Umalis ng bahay si Eddie dahil gusto na rin daw bumukod ng mag-asawang Haidy at Buboy.

“Hindi ako maalagaan ng tatay kaya naiwan ako kina Ninang Haidy. Binibigyan na lang ako ng sustento,” ayon kay Paw.

Pati si Buboy nagpakita ng pagmamahal sa kanya. Madalas siya nitong bilhan ng laruan… hangang nung mag-‘grade II’ siya isang madaling araw, kwento ni Paw nagising na lang siyang nakalusot na umano ang kamay ni Buboy sa loob ng kanyang ‘panty’.

Nang mahuli ito, mabilis na inalis ni Buboy ang kamay at lumabas ng kanyang kwarto. Dahil bata, hindi pinansin ni Paw ang nangyari. Hangang maulit daw ito tuwing madaling araw habang tulog ang kanyang ninang.

Hindi nagtagal lumala umano ang ginawa nitong si Buboy.

“Nung grade III ako nilalamas na niya ang dibdib ko at sapilitang pinapasok ang kanyang daliri sa aking ari,” kwento ni Paw.

Ilang beses binalak ni Paw na magsumbong sa inang si Rexie tuwing dadalaw ito sa kanila subalit pinangunahan siya ng hiya.

Parehong taon, tinubuan ng ‘myoma’ si Rexie. Mas nagipit si Rexie kaya napunta rin sa pangangalaga ni Haidy ang isa pa niyang kambal na si Lyn.

Nagpatuloy ng pag-aaral si Lyn, na noo’y nasa Grade IV.

Mula ng magkasama ang kambal sa kwarto natigil si Buboy sa umano’y panghihipo. Ang hindi alam ni Paw maging ang kanyang kambal nakaranas rin daw ng pang-aabuso sa ninong.

Ayon naman kay Lyn, dalawang buwan mula ng lumipat siya sa bahay nila Haidy, isang madaling araw naramdaman niyang may humahawak sa kanyang dibdib. Nagising siya, nagulat siya ng makita umano ang kamay ni Buboy sa loob ng kanyang damit.

Nang pumalag mabilis na nanakbo palabas ng kanilang kwarto ang tiyuhin. Umiyak si Lyn sa takot at ginising ang kapatid.

“Bakit ganun si Kuya Buboy! Nanghihipo?!” tanong ni Lyn sa kambal.

“Basta mag-iingat ka na lang,” ani Paw.

Inakala ni Lyn na hindi na ito mauulit subalit dalawang linggo makalipas sa panty na umano ni Lyn sinuksok ni Buboy ang kamay.

Kapag nahuhuli niya ito, mabilis itong tumatakbo subalit pagtagal kahit anong saway niya pilit na daw nitong pinapasok ang daliri sa kanyang ari.

“Nung minsan nagtanong ako, ‘Kuya Buboy anong ginagawa mo?! Sabi niya may inaayos lang siya habang hawak niya ang ari ko. Nung pumalag ako sinampal niya lang ako…umiyak na lang ako,” salaysay ni Lyn.

Dahil sa mga insidenteng ito, ginawa lahat ni Lyn para makabalik sa inang si Rexie. Tinapos lang niya ang Grade IV at umalis kina Haidy.

Kinwento niya sa ina na suntok at bugbog  daw ang inaabot niya kina Buboy dahil lang sa mga kaunting pagkakamali.

Pinapagising rin silang kambal ng napaka-aga para maglinis ng bahay bago pumasok. Hinahagisan pa daw ng pitsel kapag ‘di sumunod.

“Pinagdiinan kong naapektuhan ang pag-aaral ko… kaya kay Mama na ako nag-aral ng grade V hangang sa kasalukuyan,” kwento ni Lyn.

Naiwan si Paw kay Haidy. Ilang beses sinubukang magsumbong ni Lyn sa ina tungkol sa pang-aabusong naranasan umano nila subalit pakiusap ni Paw huwag magsalita dahil siya ang lagot.

Sa pagtahimik ni Lyn, hindi nalaman ng ina ang nangyayari sa kanyang kambal. Nagpaulit-ulit umano ang panghihipo ni Buboy kay Paw.

Ang ginawa pa ng ina, patuloy na pinagbabakasyon itong si Lyn sa bahay ni Haidy tuwing walang klase. Sa mga panahong ito nakakaranas umano ulit ng pananamantala itong si Lyn.

Sinubukang magsumbong ng kambal sa mga kakilala. Isa na daw sa napagsabihan ni Paw ang isang kapitbahay na si ‘Gilda’. 

“Biktima po kaming magkapatid ng pang-aabuso…” sumbong ni Paw.

“Huh! Sinong may gawa n’yan? Kailangan mabulgar yan!” sabi ng kapitbahay.

ABANGAN ang karugtong ng seryeng ito sa LUNES. EKS­KLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City (Lunes-Biyernes). Maari kayong magtext sa 09213263166(Chen), 09213784392 (Carla), 09198972854 (Monique). O tumawag sa 6387285/ 7104038. Pwede kayo mag-email sa tocal13@yahoo.com

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

Show comments