HINDI na nakakatuwa ang lumalalang awayan sa pagitan ng dalawang faction sa loob ng Davao Del Norte Electric Cooperative (Daneco) ang -----Daneco-National Electrification Administration (Daneco-NEA) at ang Daneco-Cooperative Development Authority (Daneco-CDA).
At dahil sa di pagkakaunawaang ito ng Daneco-CDA at Daneco-NEA lumobo na ang pagkakautang ng Daneco sa power provider na Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) sa P350 million.
Nagbabanta ang PSALM na puputulan ng kuryente ang Daneco kung hindi mababayaran ang pagkakautang na naging resulta ng hindi maayos na pagkukulekta ng electric bills sa may higit 160,601 consumers nito.
Ang Daneco ay power provider sa Davao del Norte at Compostela Valley. Kasali na rito ang Island Garden City of Samal na kung saan naroroon ang may 100 beach resorts na kinabibilangan ng sikat na sikat na Pearl Farm Beach Resort.
Kung tutuusin ang Samal Island ay napakalapit sa Davao City mainland. Hindi nga umaabot ng five minutes kung ito ay tatawirin gamit ang pumpboat o speed boat at 10 minutes naman sa ferry boat.
Ngunit ang Daneco ang patuloy na nagsu-supply ng kuryente sa Samal Island pagkatapos na mabigo ang Aboitiz-owned Davao Light and Power Company sa negosasyon na mag-o-operate sana nito.
At heto ngayon ang malaking problema ng Daneco dahil nga sa dalawang faction eh, di na alam ng consumers nito kung saan sila magbabayad. May mga nagbabayad sa Daneco-NEA at mayroon sa Daneco-CDA.
Ilang beses na nga silang nagkagulo kung sino ang nararapat na hahawak ng opisina nila. Umabot na nga sa physical na sakitan at may isang grupo naman ang nagpi-picket sa harap ng opisina nito sa Montevista, Compostela Valley.
At dahil sa kalituhan hindi na tuloy alam ng mga consumers ng Daneco kung saan sila magbabayad –kung sa Daneco-NEA ba o sa Daneco-CDA ba. Kaya ang resulta ay patung-patong na rin ang utang ng Daneco sa PSALM na umabot na ng P350 million.
Ang banta ng pagputol ng kuryente sa Daneco ay hindi dahil sa hindi nagbabayad ang mga consumers nito. Nagkataon lang na dahil sa pagkalito dulot ng gulo sa pagitan ng Daneco-CDA at Daneco-NEA na kapwa may sariling board of directors.
Ngayon ang bola ay nasa kamay na ng Department of Energy kung paano ito reresolbahin lalo na ang karamihan sa maaapektuhan nito ay ang mga biktima ng bagyong “Pablo†na sinalanta ang Compostela Valley at Davao del Norte noong December 4, 2012.
Secretary Carlos Jericho Petilla, bilisan mo ang pag-ayos ng problema ng Daneco at nang hindi madagdagan ang hinaing ng mamamayan sa Davao del Norte at Compostela Valley.