ANG August 21 ay anibersaryo ng pagkabayani ni Sen. Ninoy Aquino. Sa darating na Lunes naman, Agosto 26, ay National Heroes Day kung saan gugunitain natin ang Cry of Pugad Lawin ni Gat Andres Bonifacio at ang mga bayaning, katulad ni Ninoy, isinakripisyo rin ang lahat para rin sa ating kalayaan at mga mahalagang karapatan.
Ang bibigat ng itinaya ng mga magiting na personalidad na ito para lamang maiahon ang kababayan sa kahirapan at sa hindi makatwirang pagka-alipin. Hindi lamang iilan ang napabilang sa kanilang hanay. Ang Pilipino ay taal na matatapang – lahi ng mga maharlika na hindi basta magpapatay-malisya kapag may nasasaksihang abuso at pananamantala. Nasa dugo natin ang pagiging bayani.
At hindi lamang mga matataas na adhikain ng kalayaan o pagrebelde sa pang-aapi ang magmumulat sa ating kabayanihan. Sa araw araw nating buhay, kahit sa hindi inaasahang pangyayari, maaasahan nating kusang lalabas ang pagkabayani ng Pilipino saan man ito makakita ng nangangailangan. Magugulat pa ba tayo kung makabalita ng mga kababayan nating itinataya ang sariling kaligtasan upang makatulong sa mga nasalanta at nabiktima ng trahedya? Sa naganap na banggaan ng barko sa Cebu, kabayanihan mula sa hanay ng mismong mga biktima na tumulong sa kapwa pasahero kahit pa sila mismo ang mahirapan. Mga rescue worker na kahit pa napinsala sa akto ng pagsalba ay patuloy na isinugal ang buhay para lamang makatulong. Dito na lang sa huling ga-Ondoy na delubyo ng Maring na nagresulta sa katakut-takot na eksena ng sakuna, muling napatunayan ang kagitingan ng Pilipinong nakikiramay, tumutulong, nakikiisa at nagmamalasakit.
Dito nga sa atin ay hindi na kailangan maghintay ng trahedya para lumutang ang natural na pagiging matulungin ng Pilipino. Araw araw ay saksi tayo sa katotohanang ito. Second nature na sa atin ang makiisa sa kapwang nangangailangan – walang pagdadalawang isip ay hindi ipagdadamot ang simpatiya sa kababayan at hindi iindain ang peligro sa sari-ling kaligtasan kahit pa sa istranghero o dayuhan. Ang sabi nila, ang Pilipino ang pulubi ng Asya. Totoo man ito ay hindi naman tayo pulubi sa pagkaba-yani – sa kabayanihan, tunay tayong mayaman.