MALIMIT mapaulat ang mga panukala ng mariing aksiyon laban sa mga suliraning pambansa.
Sa pagbebenta ng mga maralita ng kanilang boto o pagtangkilik sa mga kandidatong showbiz celebrities, nariyan ang suhestiyon ng mga rehistradong taxpa-yers lang ang pabotohin. Iyan ay bagamat nakaukit sa Konstitusyon ang karapatan ng lahat ng mamamayan na nasa hustong edad, ano man ang estado sa buhay, na humalal at mahalal.
Nariyan din ang sigaw na pulbusin ang bayan-bayan ng mga Muslim kung saan naglipana ang mga teroristang Abu Sayyaf at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at bandidong Pentagon Group. ‘Yan ay bagamat hindi lahat ng nasa pinagkukutaang baryo ay kasapi sa karahasan. At taliwas din sa Bill of Rights na ituring na inosente ang sinuman hangga’t hindi napapatunayan sa husgado na nagkasala.
Limang-daang taon na ang nakalipas, tinuligsa na ni pilosopong Tomas More ang maling pag-shortcut sa batas. Malimit ni More ihambing ang batas sa mga tambo na kumukubli ng mga bulaklak (tao) mula sa malupit na bagyo (kasamaan, krimen). Aniya ang bansa ay tinamnang siksik ng mga tambo -- ng batas ng tao -- mula sa magkabilang pampang-dagat. At kapag pinutol ang mga tambo, malalasog ang mga bulaklak sa tindi ng bagyo.
Nakipagtalo minsan si More sa kapwa-abogado. Inusisa niya kung ibubuwal nito ang mga tambo -- babaliin kumbaga ang mga batas -- para lang mahuli ang demonyo? Oo, sagot ng ka-debate. Binalikan siya ni More: “At kung naitumba mo na lahat ng mga batas sa pagtugis sa kanya, at tumalikod siya at ikaw naman ang habulin, saan ka na ngayon kukubli? Gamitin nang tama, huwag baliin, ang batas.â€
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com