SA ika-112 anibersaryo ng Philippine National Police (PNP) noong Martes kung saan si President Aquino ang panauhing pandangal at tagapagsalita, inutusan niya si DILG Sec. Mar Roxas na linisin sa “scalawags†ang hanay ng mga pulis. Bagama’t pinuri niya ang kapulisan, lalo na sa ilang matagumpay na operasyon laban sa kriminalidad, hindi pa rin nawala ang kanyang pamilyar na batikos at pagpuna sa mga kakulangan nito, at nagbigay na ng personal na babala sa mga magpapatuloy sa kanilang pagiging kampon ng dahas, imbis na alagad ng batas. Ang kagagawan daw ng ilan, pinagbabayaran na ng buong institusyon.
Mabuti at hindi naman pinalampas ni Aquino ang mga pagkukulang ng PNP, kahit anibersaryo pa nila. Ang paninita sa mga ahensiyang nagkukulang sa kanilang pamamalakad ay karaniwan na sa Presidente. Pero ang gusto kong malaman ay gaano ba karami ang scalawags na iyan? Sila ba ay bilang, o sila ba ang marami? Naniniwala ako na may mga pulis na tapat at dedikado sa kanilang tungkulin. Pero sila ba ang minorya, imbis na mayorya? Kung inutusan na ni Aquino si Roxas na purgahin ang scalawags, may matira kaya sa PNP?
Wala nang sasama at dudumi sa pulis na sangkot sa kriminalidad. Parang doktor na pumapatay ng tao, o abogado na pinaiikot lang ang batas. Malaking trabaho at hamon ang hinaharap ng DILG. Nabanggit ko na noon na tila may sindikato sa PNP mismo, kung saan ang kanilang kilos-kriminal ay organisado. Magtataka pa ba kung bakit mabagal ang pag-usad ng kaso laban sa mga pulis na sangkot sa Atimonan massacre?
Walang may mas gusto pa ng tapat at malinis na pulis kundi ang ordinaryong mamamayan. Sino pa ang kanilang lalapitan kapag nangailangan na ng tulong? Ang mahirap, kapag nilapitan mo, baka may kasama pang kapalit! Ito ang mga kailangang matukoy ng DILG kung talagang lilinisin ang hanay ng PNP, para gumanda na rin ang imahe. Kung hindi, sa susunod na taon, magiging pareho lang ang talumpati ng Presidente. Iyan ay kung walang bagong Atimonan at bagong Cadavero!