MABUTI ang panimulang layunin ng pork barrel. Pinapantay-pantay umano nito ang pagpondo sa lahat ng congressional districts, mayaman o mahirap. Ginagasta ng congressmen sa lungsod ang pork nila para sa paglunas sa traffic, pollution, at iba pang suliraning urbanisasyon. Sa kanayunan pinaggugugulan ay irigasyon o panghayupan o foot bridges.
Kalaunan nasalaula ng kickbacks ang pork. Ilan beses nang binago ang pangalan nito para pabanguhin. Naglapat ng mga bagong alituntunin para linisin. Hindi na nire-release ng budget department ang pera diretso sa congressmen, kundi sa kinauukulang ahensiya, depende sa uri ng proyekto: pang-computers, kalye, o ospital.
Ganunpaman, nanatili ang mga dating raket. Tinutukoy ng congressmen hindi lang ang proyekto kundi pati kontratista. Pinase-certify naman ng kontratista ang mga kasabwat na NGOs ng pagtapos o pag-deliver ng proyekto. Binabayaran ng ahensiya ang kontratista, na naghahatid naman sa congressman ng 20% komisyon. Kapag awasin ang tig-10% ng kontratista, NGO, at ahensiya, 50% na lang ang natitira sa proyekto. Kaya sirain ang kalsada o walang bisa ang gamot na dineliver. Pati mga senador nagkaroon na rin ng pork -- mas malaki pa kaysa congressmen miski wala silang direct constituencies. At lumitaw na ang operators na katulad ni Janel Lim Napoles, na taga-â€ayos†ng detalyes at bayaran.
Pero hindi naman talaga kailangan ng pork. Trabaho ng Ehekutibo, hindi ng Lehislatibo, magpatupad ng proyekto. Kung walang pork, wala nang rason ang politiko na manakit o mamili ng boto sa halalan. Wala nang tukso para makipag-halinhinan sila sa kaanak sa puwesto, at magtatag ng dynasty. Uunlad na ang bayan!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com