‘Da best nasakote na!’

PINUKPOK ang kanyang ulo gamit ang takip ng malaking kawa at saka tinarakan. Kung ‘di pa sapat lahat ng kanyang tama… hinabol pa siya ng mga suspek kahit duguan na.

Ganito inalala ng inang si Eulalia o “Lily” Rojas, taga General Trias, Cavite ang sinapit ng bunsong anak na si Jerick na noo’y 19 anyos pa lang. 

Maalalang isinulat namin sa’ming pitak ang nangyari kay Jerick Ika-22 ng Mayo 2011 sa loob ng lugawan ni ‘Boyong’ sa Pasong Camachile I, Gen. Trias. Pinamagatan namin itong, “Pre, sino da best?”

Saksak at pukpok sa ulo ang kinamatay ni Jerick. Itinuro ng pamang­kin ni Lily na sina Mark Vien Madlangbayan at Jearome Aspuria ang mga umano’y nagtulungan sa pagpatay kay Jerick.  Si Arjay Descalso, magpinsang Jervy at Rommel Carampot at Aljhon Mendoza, taga Brgy. Santiago.

Base sa salaysay na isinumite ni Mark sa pulisya at Prosecutor’s Office, Imus, Cavite, 12:00 ng gabi, nasabing petsa pumunta sila sa lugawan. Habang umoorder, lumabas si Jerick para sagutin ang tawag sa cellphone. Nadatnan nila ang grupo nila Aljohn na noo’y mga lasing.

Bigla nagsalita si Aljohn kay Jearome na “Ikaw na! Da best kayo!” sumagot si Jearome, “Pre, sino da best?” at tumalikod. Dito na nagkainitan.

Bigla na lang sinuntok ni Aljohn si Jearome sa kanang pisngi.

Pinagtulungan sila. Mas marami ang mga ito at mas matatanda kaya’t pilit nilang dinepensahan ang sarili para makawala. Suntok, sipa, hampas ng bote, takip ng kaldero at saksak ng tinidor ang kanilang inabot.

Naunang makatakas si Jearome subalit naiwan naman si Jerick.

Nakita na lang nila si Jerick na pinagtutulung-tulungan ng tatlong lalaki. Kinaladkad siya sa kusina. Nagpumiglas ito subalit ‘di nakawala. Sumigaw si Arjay na noo’y binubugbog si Jerick, “Pre p^7@#n6 i#@! ‘Wag natin pakakawalan yan! Papatayin na natin yan!” sabay punta sa kusina.

Pinilit namang kumawala ni Mark, Kinagat niya ang tiyan ni Jervy, nabitiwan siya. Tumakbo siya sa gilid ng kusina, sa pintuan upang tulungan si Jerick. Nakita niya itong nakadipa sa lupa. Hawak sa magkabilang kamay.

Nasaksihan niyang paulit-ulit pinalo ni Aljohn si Jerick sa ulo gamit ang malaki at mabigat na takip ng kaldero. Lumapit si Arjay, may dalang matalas na kutsilyo (panghiwa ng tokwa’t baka sa lugawan) at sinaksak si Jerick sa dibdib.

Mabilis na nadakip ang magpinsang Jervy at Rommel subalit nakalaya pansamantala matapos magpiyansa. Nakatakas naman sina Arjay at  Aljohn. 

Inakyat ang kasong Homicide sa Prosecutor’s Office laban kina Jervy at dalawang ‘di nakikilalang suspek (john does). Nung una, nagsampa lang ng kaso laban lang sa magpinsang suspek. Nagsumite sila ng karagdagang impormasyon para isama sa demanda sina Aljohn at Arjay at maiakyat sa ‘Murder’.

Nagkaroon ng pagdinig. Pinabulaan ng apat na suspek ang akusasyon sa kanila. Hindi raw sila nakilala ng mga testigo.

Masusing pinag-aralan ng tagausig na si Asst. Prov. Prosec. Carlos A. Catubao ito at nailabas ang resolution-- Ika-12 ng Enero 2012.

Nirekomenda ng taga-usig na mula Homicide iakyat ang kaso sa ‘Murder’   Nagsampa ng Motion for Reconsideration ang mga akusado, ‘DENIED’ ito dahil wala ito sa ‘jurisdiction’ ng Prosecutor’s Office.

Ika-19 ng Enero 2012, ibinaba ng RTC- Branch 23 ang Warrant of Arrest para kina Arjay Descalso, Jervy at Rommel Carampot at Aljhon Mendoza at para sa kasong Murder. 

Hiniling ni Lily na isulat ang nangyari kay Jerick at ilagay ang kanilang litrato para madakip. Pinagbigyan namin ang pakiusap ng ina. Inirefer din namin sila kay PSSupt. Rudy Lacadin, Chief of Staff ng Director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para dakpin ang mga suspek.

Hulyo 23, 2013, isang impormante ang tumawag sa amin na namamataan ang isa sa mga wanted na si Arjay Descalso sa isang brgy. sa Gen. Trias. Nakilala niya ito matapos mabasa ang pitak namin at makita ang larawan nila Arjay.

Pinostehan nila SP01 Alberto Alfonso Ayoso at matiyagang nagmanman sa kalyeng iyon. Napag-alaman nila na sa bahay ng girlfriend nito siya pumupunta dis-oras ng gabi. Matapos ang dalawang pagplano na nag-‘negative’ ang lakad ng mga tauhan ni PSSupt. Harris Fama, hepe ng Detective and Special Operations Division (DSOD-CIDG), pinalamig muna nila ito.

Ika-24 ng Hulyo 2:00 sa lalim ng gabi, walang tigil ang tunog ng aking cellphone. Ang aming impormante ay nagsabi na nakita niyang dumaan sa kalye nila si Arjay at pumasok sa bahay ng girlfriend.

Tinawagan ko si SP01 Ayoso wala siyang magawa dahil walang mabuong ‘team’ na manggagaling sa Camp Crame para pumunta ng Gen Trias at hulihin ang ‘suspect’. Naghintay kami ng umaga at alas sais y’ medya tinawagan ko sina PSSupt. Lacadin at PSSupt. Fama upang ipaalam na positibo ang suspek.

Gumawa ng paraan si PSSupt Fama at sarili na nilang sasakyan ang ipinagamit sa mga operatiba ng CIDG. Tirik na ang araw ng makarating sila dahil na rin sa trapik. Agad nilang pinasok ang bahay nung girlfriend ng suspek. Inabutan nila itong si Arjay Descalso, ang mismong sumaksak kay Jerick.

Bandang 10:00 AM, nakatanggap ako ng text mula kay SPO1 Ayo­so na nahuli na itong si Arjay na nuo’y gising na sa loob ng kwarto ng girlfriend at nakabihis na para umalis. Nabigla ito at hindi na nakalaban. Agad siyang pinosasan ng mga taga CIDG. Magkasunod na ‘text messages’ na ang natanggap namin mula kina PSSupt. Fama at PSSupt. Laccadin ukol sa pagkahuli.

Itinampok namin muli si Lily sa  CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM/ Sabado 11:00-12:00NN).  Kinapanayam namin sina P/SSupt. Lacadin at P/SSupt. Fama.

Nakiisa sina P/SSupt. Lacadin at P/SSupt. Fama sa panawagan sa tatlo pang wanted na sina Jervy at Rommel Carampot, Aljhon Mendoza  na sumuko na. Dahil ang grupo ng CIDG maging ang PNP ay nakikipagtulungan din sa pagtugis sa mga wanted na tulad nila na nagtatago sa batas.

Dapat papurihan ang mga taong humuli kay Arjay. Sila ay sina P/SINSP Max Sumeg-Ang Jr. sa ilalim ng pamumuno ni P/SSupt Fama.

Minsan pa nais namin pasalamatan sina P/SSupt. Lacadin at Fama. Maging ang mga pulis na sumama sa pagdakip. Sina P/SINSP Max Sumeg-Ang Jr. (Team Leader), SPO1 Albert Ayoso Jr., SPO1 Horato Quintero Jr., SPO1 Hadjirul Amiril at PO3 Ignacio Santos ng CIDG.

“Maraming salamat po sa pagtulong niyo sa paghuli sa pumatay sa anak ko, ” ani ng ina ng biktima na si Lily.

Muli kaming nanawagan sa mga nakakaalam kung saan naruon ang tatlo pang wanted na sina Jervy at Rommel Carampot, Aljhon Mendoza  maaring makipag-ugnayan lang sa mga numero sa ibaba.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)  Sa gusto dumulog, magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. Hotline Nos. 09213263166(Chen), 09213784392(Carla), 09198972854 (Monique). Landline: 6387285/7104038. Pwede kayo mag-email sa tocal13@yahoo.com.

 

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

Show comments