Sumapi sa ruling LP para manatili sa burokrasya

TINANGGIHAN ni President Noynoy Aquino ang pag-resign ni Customs Commissioner Ruffy Biazon, na sinabon niya dahil sa kahinaan kontra smuggling. Taliwas ito sa katindihan na ipinakita ni P-Noy sa ibang agency chiefs na nakitaan ng mali. Sinibak niya sina Ramon Gutierrez, Angelito Banayo, at Antonio Nangel mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines, National Food Authority, at National Irrigation Administration, na nasa ilalim nina noo’y-Transportation Sec. Mar Roxas at Agriculture Sec. Angel Alcala. Apat pang appointees ang sinibak sa payo ni Justice Sec. Leila de Lima: sina Ernesto Diokno at Gau-dencio Pangilinan ng Bureau of Corrections, Magtanggol Gatdula ng National Bureau of Investigation, at Ricardo David ng Bureau of Immigration and Deportation. At ipina-impeach niya si Chief Justice Renato Corona matapos patutsadahan sa harap ng Korte Suprema.

Karapatan ng Presidente mag-appoint at mag-disappoint (manibak). Pero kapansin-pansin na ang mga tinagpas ay hindi kapartido-Liberal. Samantala ang mga superiors, sina Roxas at Alcala, ay mga Liberal, at si De Lima ay malapit sa Liberal. Si Biazon, na dating congressman, ay taga-LP. Ang pinalitan niya na sinibak ni P-Noy sa Customs, si Lito Alvarez, ay hindi LP.

Pruweba pa na matigas ang LP: Maraming palpak sa biddings at kontrata sa Dept. of Transportation, pero nandoon pa rin si Sec. Joseph Emilio Abaya, na LP. Lantarang kumakampi sa big oil companies si Energy Sec. Carlos Jericho Petilla, pero nananatili, kasi LP. Balewala ang cabalen sa Tarlac o Pampanga, tulad nina sinibak na transportation chief Jose de Jesus at foreign minis­ter Alberto Romulo, kasi hindi LP. Pero kung LP ang sumablay, ipinagtatanggol agad ni presidential spokesman Edwin Lacierda, na LP.

Malinaw na malamang ang mensahe sa mga kawa-  tan at palpak sa burokrasya: Kung ayaw mo masibak, sumapi ngayon din sa LP.

 

Show comments