Sabwatan ng mga superbisor

KASO ito nina Randy, Ernie at Lando. Si Randy ang delivery supervisor samantalang sina Lando at Ernie naman ang sales supervisor sa isang kompanya ng mga softdrinks na nakabase sa norte. Ang kasong ito ay nagsimula ng maaksidente si Mando, isa sa mga salesman ng kompanya. Wala siyang kaukulang permiso nang gamitin ang sassakyan ng kompanya. Malubha ang naging pinsala ni Mando at kinakailangan siyang ipasok sa ospital. Lasing siya nang mangyari ang aksidente at kahit sa police blotter ay nakasaad ito.

Nakipagsabwatan sina Randy at Lando kay Ernie upang palabasin sa medical certificate at sa police blotter na hindi lasing si Mando nang mangyari ang aksidente. Pati pangalan ng general manager ay ginamit ng tatlo upang gawin ito.

Nang malaman ng kompanya ang ginawa ng tatlo na pagmamanipula sa laman ng police report at sa medical certificate, agad silang pinagpaliwanag kung bakit hindi sila dapat patawan ng kaukulang parusa alinsunod sa patakaran ng kompanya at sa batas (Art. 282 Labor Code).

Matapos marinig ang kanilang pahayag at makapag-imbestiga, napag-alaman na talagang nagsabwatan ang tatlong bisor upang mabago ang mga ulat at palabasin na hindi lasing si Mando nang mangyari ang aksidente. Tinanggal ang tatlo sa trabaho dahil na rin sa nilabag nila ang tiwalang ibinigay sa kanila ng kompanya.

Nagsampa ng reklamo sina Randy, Lando at Ernie laban sa kompanya para sa illegal suspension, illegal dismissal, backwages at separation pay. Ayon sa kanila, hindi naman daw ganoon kabigat ang kasalanan na kanilang ginawa. Isa pa, wala naman itong kinalaman sa kanilang trabaho. Tama ba sila?

MALI. Ang ginawa nina Randy, Lando at Ernie ay nakapinsala hindi lang sa ma-nagement kundi sa mismong kompanya. Niloko nila ang kompanya. Sa pa­mamagitan ng pagmamanipula sa laman ng police report at ng medical certificate, pinilit nilang pagtakpan ang katotohanan na lasing si Mando nang mangyari ang aksidente. Ang ginawa nila ay laban sa interes ng kompanya at malinaw na paglabag ito sa tiwalang ibinigay sa kanila.  Konektado rin sa tra­baho ang kanilang gina­wa kaya tama lamang na tanggalin sila sa trabaho at hindi bayaran ng backwages at separation pay. Binabayaran lang ito kung talagang nagkaroon ng illegal dismissal (De la Cruz and Lacuata vs. Coca Cola Bottlers Phils. Inc., G.R. No. 180465, July 31, 2009).

 

Show comments