HINDI lang Bajo de Masinloc (Panatag/Scarborough Shoal) ang inagaw ng China. Ilang taon na ang nakalipas mula nang salakayin nila ang mainland Zambales, 108 km sa silangan. Naghahari roon ang mga Chinese. Pinapayagan sila ng mga makabagong Makapili -- mga tiwaling local government officials.
Sa bayan ng Sta. Cruz, Zambales, nagmimina ng nickel ang tatlong dambuhalang Chinese companies: Jiangxi Rare Earth & Metals Tungsten Group, Wei-Wei Group, at Nihao Mineral Resources International Inc. Nagtayo sila roon ng limang “maliliit na minahan†sa ilalim ng People’s Small Scale Mining Act of 1991.
Pinapatag nila ang kabundukan sa paghakot ng libo-libong tonelada ng nickel ore araw-araw. Sinuhulan nila ang local officials -- sa kapitolyo, munisipyo, at barangay -- para payagan silang kalbuhin ang gubat, patayin ang ilog, at dumihan ang hangin at dagat. Pati mga karatig na bayan ng Masinloc, Zambales, at Infanta, Pangasinan ay apektado.
Lima kunwari ang “small-scale mines,†pero iisa ang kanilang pantalan. Ibig sabihin, iisang operation lang sila. Mula sa pantalan, dinadala ang nickel ore sa China, kung saan ginagamit ito sa mga armas, sasakyang pandigma, at hi-tech equipment para lalong isabotahe ang Pilipinas at pasukuin ang bansa sa militar at ekonomiyang Chinese.
Dahil sa walang pakundangan na pagmimina ng Chinese, kulay putik na ang dating asul na tubig-dagat. Ang air pollution ay 2,000 micrograms suspended particulates -- 22 ulit na malala kaysa katanggap-tanggap na 90 micrograms. Kaya sa mga baryo ng Sta. Cruz, 4,500 hanggang 8,500 kada 100,000 populasyon ang bagong nagkakasakit sa baga taun-taon.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com