Maanomalyang presyo ng LRT-1 Extension

ANI Budget Secretary Butch Abad kamakailan, kulang ang infrastructure experts sa gobyerno. Ang kakulangang ‘yan ng mga enhinyero at technologists ang dahilan umano kung bakit mabagal ang pagsisimula nila ng mga pasilidad sa transportasyon. Inihalimbawa ni Abad na sa pagpaplano pa lang ng isang bagong railway project, tatlong espesyalistang enhinyero na agad ang kailangan: sa riles, sa sistema, at sa signals. Iba pa kung umaandar na ang proyekto. Kakailanganin din ang electrical, elec­tronics, mechanical, civil, structural, at industrial engineers, at info-technologists.

Ang masasabi ko naman, kung kulang nga ang gobyerno ng mga eksperto, namumutiktik naman ito sa mga kawatan. Ihahalimbawa ko rin ang Dept. of Transportation and Communications. Napabalita na sa kabila ng mga batikos, itutuloy ng DOTC ang Light Railway Transit-1 Extension mula Baclaran, Parañaque City, hanggang Bacoor, Cavite. Aabutin umano nang P60 bilyon ang gagastusin: P30 bilyon sa civil works, at P30 bilyon sa 39 bagong light rail vehicles (LRVs) mula Japan.

Aba’y teka muna. Kung P30 bilyon ang gugugulin sa 39 coaches, ibig sabihin ay nagkakahalaga ang bawat isa nang P770 milyon! Sobrang mahal niyan! Ang brand-new na LRV sa America, gawa ng Boeing, ay P12.6 milyon ($300,000) lang. Ibig sabihin, sa P770 milyon ng LRV mula sa Japan, makakabili na ang DOTC ng 61 units ng gawang America.

Kung tutuusin nga, sa P770 milyon, makakabili na ang Pilipinas ng isang refurbished frigate para pantapat sa panghihimasok ng China sa West Philippine Sea. At sa P30 bilyon budget, makakabili ang bansa ng 39 na frigates. Ang lumang U.S. cutter nga ay ipinasa sa Pilipinas nang P440 milyon lang.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments