EDITORYAL - Panganib ng oil depot

NOON pa malaking isyu ang oil depot sa Pandacan, Manila. Sinikap noon ni dating Mayor Lito Atienza na alisin ang oil depot sapagkat mapa-nganib sa mga residente sakali’t magkaroon ng sunog o kaya’y targetin ng mga terorista. Nagkaroon ng ordinansa na mula sa pagiging industrial areas ay gagawin itong residential at commercial. Pero hindi natupad. Nanatili ang oil depot at lalong tumibay sa lugar makaraang aprubahan ni Manila Mayor Alfredo Lim noong May 2009 na mananatili ang oil depot sa lugar sa ilalim ng Ordinance 7177.

Hanggang ngayon, nasa Pandacan pa ang oil depot na pag-aari nang malalaking kompanya ng langis at iba pa. Patuloy pa ring nagdudulot ng pa-ngamba at agam-agam hindi lamang sa mga residente ng Pandacan kundi pati sa mga taga-Sta. Ana area. Maaaring may mangyaring hindi inaasahan sa lugar na ang kapalit ay ang buhay ng mga residente.

Gaya nang nangyaring pagtagas ng langis sa storage tank ng Larraine’s Marketing noong Hun­yo 22, 2013. Tumapon sa Pasig River ang mara-ming langis, dahilan para mahilo, magsikip ang dibdib at magsuka ang ilang residente na malapit sa lugar, kabilang ang mga nasa Sta. Ana. Masangsang na amoy ang nalanghap ng mga residente.

Nangyari na ang kinatatakutan ng mga residente. Banta sa buhay ang pananatili ng mga oil depot. Bukod doon, nilalason nang tumapong langis ang Pasig River. May mga lumutang na patay na isda.

Nakadidismaya naman ang Environmental Ma­nage­ment Bureau’s National Capital Region (EMB-NCR), sinuspende at pinagmulta lang ang Larraine’s Marketing ng halagang P450,000 dahil sa pagtagas ng langis sa Pasig River. Inatasan din ang kom­ panya na mag-submit ng “pollution control program and measures”.

Karampot lang pala ang multa sa depot na ta­tagas ang langis. Kung ganito kaliit, hindi masisindak ang ibang may-ari ng depot kung may mangyari rin na pagtagas sa kanilang mga tangke. Napakagaan na parusa sa lumason sa kapaligiran at naglalagay sa panganib ng mga tao.

Paano kung mag-leak at magkasunog naman at maraming mapinsala?

Pinaka-mabuting solusyon ay ilipat ang depot. Nga-yong may bagong mayor ang Maynila, buhayin ang ordinansa na nagdedeklarang residential ang lugar.

Show comments