‘No way’ sa aregluhan

MAG-AAPAT na taon na sa Nobyembre ang karumal-dumal na Maguindanao Massacre na kinasasangkutan ng mga impluwensyal na Ampatuan political clan sa Maguindanao noong 2009. Marami ang nababagalan sa usad ng hustisya. Sabi nga ng mga nauubusan na ng pasensya “usad-pagong.”

Anang barbero kong si Mang Gustin, huwag na raw sanang manghimasok sa kaso ang dalawang kinasusuklamang Justices na sina “Justice Delayed at si Justice        Denied.” Si Gustin talaga, nagpapatawa di naman kalbo!

Ang kaso ay hawak ni  Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City RTC. Matatawag itong pinakamalagim na maramihang pagpapatay sa mga media practitioners hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig. Kabuuang 58 katao ang pinagraratrat sa insidenteng ito na ang karamihan ay mga mamamahayag. Dahil sa nangyaring ito, inihahanay tuloy ang Pilipinas sa mga bansang pinakamapanganib para sa mga journalists.

Sa bigat ng krimeng ito, hindi pa man lumalabas ang hatol ng Korte ay may hatol na marahil ang ating mga kababayan na nanggigigil sa krimeng ito.Itinuturing na lubhang impluwensyal at masalapi ang mga Ampatuan at ang balita nati’y gumagamit na ng power of money sa pagbabakasakaling makalusot sa kaso. Pati si Maguin­danao Governor Esmail Mangudadatu na ang asawa ay kasama sa mga pinatay ay umamin na inalok siya ng P150 milyon ng mga Ampatuan para mag-atras ng demanda laban sa kanila. Pero binigyang diin ni Mangu-dadatu na kailan man ay hindi siya magpapaareglo.

Pati raw sa pamilya ng mga naging biktima ay nagtatangkang makipag-areglo ang mga nasasakdal sa halagang P50 milyon bawat pamilya. Aba, kung totoo ito ay napakaraming salapi ta­laga ng mga Ampatuan ano? Ngunit hindi nawawala ang tiwala ko sa sistema ng hu­s­­tisya sa bansa.

Tiniyak naman ng Mala­kanyang at Department of Justice na hindi bibitiwan ng pa-mahalaan ang kaso hangga’t hindi naisisilbi ang hustisya.

At sa paniniwala ko rin, ito ay kaso ng buong bansang Pilipinas laban sa mga salarin at magsi-urong man ang mga pamilya ng biktima kapalit na malaking halaga, magtutuluy-tuloy pa rin ang kaso.  Sabi nga ni DOH Se­cretary Leila de Lima, ang ano mang tangka na areg­luhin ang kaso ay ‘Ilegal at imoral.”

Show comments