DAHIL wala na ang watershed o kanlungan ng tubig sa Marikina (mahigit 80% ng 28,000 ektarya ay nakalbo na), ang lahat ng ulan na bumabagsak sa kabundukan ng Sierra Madre, ng Montalban at San Mateo ay tuluy-tuloy at sabay sabay nang dumadaloy sa Marikina River.
Ang Marikina river naman ay highly silted o hindi na gaanong malalim dahil sa dami na ng putik. Hindi na nito kayang akuin ang volume ng tubig na dumadaloy kaya agad itong umaapaw at nagpapalala sa baha sa lungsod.
Sa Maynila, lalo na sa España Boulevard, ang tubig ulan na nanggagaling sa Quezon City na mas mataas ang elevation ay natural na babagsak sa Manila. Maging ang karaniwang motorista ay mahahalata na kapag nalampasan ang Welcome Rotonda pagkagaling sa Quezon Boulevard ay parang pababa ka ng slope bago umabot sa Blumentritt.
Ang lahat ng ito ay bahagi ng paliwanag ng DPWH at ng MMDA sa kung bakit paulit-ulit na nangyayari ang pagbabaha sa mga kalsada ng Metro Manila at problema na tinukoy nilang aaksyunan. Sa Maynila ay maglalagay sila ng mga box culvert o water tunnel upang ma-detour ang bumabagsak na tubig sa iba pang dadaluyan. Sa Marikina naman ay pinag-uusapan ang pagtanim ng milyun-milyong mga puno, ang dredging ng putik sa mga ilog at ang pagtayo ng bagong dam o harangan ng tubig.
Ang isa sa unang hakbang ni President Aquino nang ito’y maupo sa Palasyo ay ang pagtanggal kay Prisco Nilo, administrador ng PAGASA, dahil sa aniya’y hindi tamang weather predictions. Senyales ito noon na seryoso ang pamahalaan sa pagnais nitong mapagaan ang mabigat nang suliranin ng karaniwang mamamayan tuwing bumabagyo.
Tatlong taon nang nakapuwesto si P-Noy at tila hindi nasosolusyonan ang problema. Maaring marami tayong nakikitang itinatayong gusali na tanda ng asenso ng lipunan subalit sa mga karaniwang Pilipinong apektado pa rin ng baha sa Manila at sa Marikina, ang nakikita lang ay dagdag na pahirap sa anyo ng pagsikip ng trapiko at nababawasang daluyan ng tubig-baha.